PSN Dr.Love ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Ikinahiya ng bf ang pagiging kasambahay

Dear Dr. Love,

Matagal na akong inaalok ng kasal ng boyfriend ko pero ang matagal ko nang pagtanggi ay napalitan na nang tuluyang hindi na pagpapakasal sa kanya. Dahil sa nakita kong pagtrato niya  sa akin nang ikinahiya ang trabaho ko bilang isang kasambahay.

Bisor po si Glenn sa pinapasukan niyang pabrika at nang minsang isama niya ako roon ay ipinakilala niya ako sa mga kasamahan niya pero nagsinungaling siya na isa akong kahera sa malaking mall.

Masakit po para sa akin na malamang ikinahihiya ng boyfriend ko ang trabaho ko. Dahil ang pagiging kasambahay ang naging sandalan ko para maitaguyod ang nag-aaral kong mga kapatid na ngayon ay nasa senior high na.

Elementary pa lang sila at ako’y second year college nang mamatay si tatay. Wala pang isang taon ay nag-asawang muli ang aming ina at sa loob ng limang taon ay tatlo na ang anak nila.

Maliit lang naman ang kita ng aming amain kaya hindi na kakayaning tugunin ang pag-aaral nina Biboy at Marie. Dr. Love nangako ako kay tatay na hindi ko pababayaan ang mga kapatid ko.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Kaya namasukan ako bilang kasambahay sa isang mayamang pamilya. Pinayagan nila akong mag-aral sa gabi dahil pangarap ko ring makatapos.

Sa campus kami nagkakilala ni Glenn. Self-supporting din siya, graduating na siya noong mga panahong ‘yun. At ngayon ay may matatag na siyang trabaho.

Nanlalamig na ako kay Glenn ngayon. Kung dati ang dahilan nang paulit-ulit kong pagtanggi sa alok niyang kasal ay ang pangamba na hindi ko na matupad ang pangako sa aking ama. Dahil kung kami ang magkatuluyan ay titigil na raw ako sa pagtatrabaho, paano na ang mga kapatid ko?

Pero ngayon buo na ang loob kong makipag-break sa kanya. Hindi na ako nakikipagkita at hindi ko na rin gustong replayan ang mga text messages niya. Plano ko na pong makipaghiwalay sa kanya. Tama po ba ang desisyon ko? Payuhan po ninyo ako.

Maraming salamat at advance Happy New Year sa inyong lahat!

Gumagalang,

Lady Blue

 

Dear Lady Blue,

Kung may problema, dapat pag-usapan, lapatan ng solusyon at sikapin na maitama. Mas mainam kung ito muna ang maging hakbang mo. Kausapin mo nang masinsinan ang boyfriend mo at sabihin ang hinanakit mo. Bigyan mo muna siya ng pagkakataon na itama ang pagkakamali niya. Maganda rin na i-open mo sa kanya ang pangamba mo para sa iyong mga kapatid sakaling makasal kayo. Kung sa kabila ng lahat ay dedma siya, saka ka mag-isip ng ibang option para kung humantong ka pa rin sa desisyong makipaghiwalay ay wala kang pagsisisihan.

Advance Happy New Year din at hangad ko na maging maayos ang lahat sa inyo ng boyfriend mo.

DR. LOVE  

.

 

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: