PSN Dr.Love ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Sadista ang naging bayaw

Dear Dr. Love,

Isang mapagpalang araw po sa paborito kong kolumnista ng PSN.

Tawagin n’yo na lang po akong Robby, 27 anyos at tubong Mindanao. Dati po akong nakulong matapos masangkot sa isang krimen.

Maaga kaming naulila na magkapatid. Ako ang panganay kaya ako na ang nagsilbing ama at ina sa aking kapatid na babae. Wala naman po akong tutol at hangad ko ang kanyang kaligayahan nang magpakasal.

Pero kabaligtaran po ang kinahantungan ng buhay ng kapatid ko. Dahil sadista ang naging bayaw ko. Madalas siyang napapagbuhatan ng kamay at umuuwi sa aming bahay nang puro pasa sa katawan.

Minsan ko nang kinausap ang bayaw ko na kung may problema sila ng kapatid ko ay huwag idaan sa dahas, sa halip ay pag-usapan nila ito. Nangako naman ang bayaw ko na hindi na mauulit ang kanyang pananakit sa asawa.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Pero isang araw ay kulay ube na naman ang braso, hita at iba pang parte ng katawan ng kapatid ko dahil nagtalo na naman silang mag-asawa. Gaya nang dati ay sinundo siya ng bayaw ko para ayaing umuwi na. Pero ayaw nang bumalik sa kanya ng kapatid ko.

At walang kaabug-abog na sinapak niya ang utol ko na agad na nawalan ng malay. Sa harap ko at sa loob ng aming pamamahay niya ginawa ‘yun, Dr. Love.

Kaya hindi na ako makapagsawalang-kibo ay inawat na hindi na masaling ng kamay niya ang kapatid ko.

May dala palang patalim ang bayaw ko at mabilis akong inundayan ng saksak. Nagtapos ito na siya ang bumulagta at nakulong ako. Pinagsisihan ko ang pagkasayang ng buhay ng aking bayaw pero sa sitwasyon ng kapatid ko hindi ako magdadalawang-isip na gawing muli ang nagawa ko para dipensahan ang kawawa kong kapatid.

Hangad ko lang po na makapulot ng aral ang inyong mga mambabasa na kilalanin nang mabuti ang kapareha bago magpakasal, para maiwasang sapitin nila ang nangyari sa kapatid ko.

Hanggang dito na lang po. Maraming salamat sa pagbibigay-daan ninyo sa aking liham.

Lubos na gumagalang,

Robby

 

Dear Robby,

Salamat sa pagtitiwala sa ating kolum para maibahagi ang iyong karanasan. Natitiyak kong makabuluhang aral ang natutunan ng ating readers dito. Sad­yang may mga sirkumstansiya na dumara­ting sa ating buhay, na sa tindi ng epekto ay maaaring mawalan na rin tayo ng kontrol. Pero anumang resulta ng pinili nating desisyon ay dapat panindiagan at panagutan.

Hangad ko ang kapayapaan ng inyong pamilya.

Dr. Love

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: