PSN Dr.Love ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Gusto nang maningil

Dear Dr. Love,

Bago po kami nagretirong mag-asawa, nakabili kami ng isang maliit na bahay bakasyunan sa tabing dalampasigan na pinaghahandaan namin para maging fully developed beach resort sa sandaling tuluyan na kaming mamahinga sa trabaho.

Bagaman hindi pa ito tapos ay may mga pamilya na nagpapalipas ng bakasyon roon. Minimal fee lang ang sinisingil namin para maipambayad sa mga tauhang naglilinis at nagmimintina sa mga yari nang bahay at cottages.  

Nang umuwi po ang pamilya ng kapatid ng asawa ko, mula sa US niyaya namin sila sa bahay bakasyunan namin. Isinama nila ang isang kapatid ng asawa niya at dalawang anak. Nasiyahan naman sila kahit hindi pa kumpleto ang amenities.

Bago umalis ang hipag ko, nagsabi siya sa amin na gusto ng kanyang hipag na sa darating na summer, magbakasyon ang kanilang pamilya sa aming rest house. Pumayag naman po kami.

Ang problema, nakakadalawang balik na sila ay hindi man lang magbigay kahit pakunsuwelo sa mga tauhang naglilinis ng dumi nila at nag-aasiste habang sila ay naroon.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Ang hirap po nito, nawili yata sila sa libreng bakasyon kung kaya’t ni ang mag-abot ng kahit magkano para sa paggamit nila ng mga pasilidad sa bahay bakasyunan, gaya ng kuryente, inuming tubig at mga kinatulong nila ay wala.

Sa susunod na bakasyon na magpa-book sila, gusto ko na pong maningil kahit entrance fee man lang at pambayad sa buwanan naming bayarin para  sa maglilinis at nagbabantay sa lugar.

Hindi po kaya ma-offend sila kung sabihin namin na kailangan na nilang magbayad nang paggamit sa mga pasilidad sa bahay bakasyunan? Sa palagay ko po ay hindi naman na talo dahil nakailang balik na sila sa beach house nang libre. Ano po ang maipapayo ninyo sa akin?

Maraming salamat po.

Gumagalang,

Aling Nieves

 

Dear Aling Nieves,

Kung tutuusin ay hindi na dapat kailanganin pang magsabi kayo tungkol sa pagbabayad dahil alam naman ng hipag mo at hipag niya na business ninyo ang resort. Pero dahil hindi sila nagkukusa, maaa­ring sa susunod na pagkakataong makapag-usap kayo ay daanin mo sa biro na bibigyan ninyo sila ng 50 percent discount. At ikuwento mo ang lumalaking expenses para mapanatili ang maayos na serbisyo ng resort sa lahat ng gustong magbakasyon rito.

Hindi naman kabastusan ang pagsasabi nang tapat, sa katunayan ‘yun ay daan para sa pagsasama nang maluwat, ika nga ng kasabihan.

DR. LOVE

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: