PSN Dr.Love ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Inilihim na relasyon

Dear Dr. Love,

Noon pa man, tiniyak ko sa aking sarili na anumang nagdaang relasyon ng asawa ko nang wala pa ako sa buhay niya ay hindi ko pakikialaman, pero nabago ang pananaw ko nang may madiskubre ako na hindi niya ipinagtapat sa akin.

Inakala ko noon, bago pa kami magpakasal ay naipagtapat na lahat sa akin ni Darril ang mga babaeng nakarelasyon niya. Pero nagkamali ako nang makilala si Mimi na isa sa magnininang sa aming panganay na anak.

Tumawag noon si Mimi, nagkataon na wala si Darril kaya tinanong ko kung may mensahe siya. Gusto lang daw niyang itanong ang oras at simbahan na pagdarausan ng binyag. Ibinigay ko sa kanya ang mga detalye at humaba na ang kwentuhan namin.

Sa usapang ‘yun nalaman ko na naging girlfriend siya ng asawa ko, magkababata sila at naging mag-childhood sweetheart pa. Bagay na walang anumang impormasyon na nabanggit si Darril sa akin.

Agad kong sinabi sa kanya na tumawag si Mimi at ikinuwento ko rin ang mga naging usapan namin, kasama na ang mga nakaraan nila. Inamin naman ni Darril na totoo ang mga iyon sabay yakap sa akin.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Lalong tumindi ang palaisipan ko nang duma­ting si Mimi sa binyag na kasama ang dalawang hipag ko. Malambing siya sa asawa ko na para bang hindi nila alintana na nasa paligid lang ako.

Hindi ko po maikakaila na nagkakaroon ako ng insecurites kay Mimi, lalo na nang madalas na siyang tumawag sa bahay namin. Kung wala si Darril ay kami ang magkausap. Pero kapag sila ng asawa ko ang magkausap ay iwas si Darril na marinig ko ang kanilang usapan.

Nadaragdagan po ang mga tanong sa isip ko, Dr. Love. Dapat ko ba ihinging linaw ito sa asawa ko? Payuhan po ninyo ako.

Maraming salamat po at regards to you Dr. Love.

Gumagalang,

Thelma

 

 

Dear Thelma,

Anumang bagay, maliit man o malaking hindi pagkakaunawaan ay mahalagang linawin sa pagitan ng mag-asawa. Bakit? Para agad na magkaroon ng sagot ang nagiging palaisipan sa’yo at maiwasan na pagmulan ito ng sigalot sa inyong pagsasama.

Siguruhin mo lang maging mahinahon kapag itatanong mo na sa mister mo ang tungkol kay Mimi. Daanin mo sa paglalambing at laging hi­ngin ang patnubay ng Maykapal para sa kapa­natagan mo.

Gusto ko rin alalahanin mo na bahagi ng pagmamahal ang pangamba na maagaw ng iba ang taong mahalaga sa’yo, pero kung sosobra ang selos  ay magiging lamat ito sa inyong pagsasama.

DR. LOVE

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: