PSN Dr.Love ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Iba ang tatay ng bagong baby

Dear Dr. Love,

Dalawa na po ang anak namin ng asawa kong si Romulo pero sa maiksing panahon ay napagtaksilan ko siya at ang masaklap pa ay nagbunga ang kataksilang ito.

Isang kasamahan sa opisina ang ama ng sanggol. Bagaman alam ng mister ko na buntis ako, wala siyang kamalay-malay na hindi siya ang ama.

Sobra pa naman ang pagka-excited ni Mulong dahil kasama ko siya nang magpatingin ako sa ­aking OB-Gyne at kumpirmahing lalaki ang sanggol. Tuwang-tuwa ang  mister ko at ipinamalita niya ito sa lahat. Dahil dalawang babae po ang aming anak at matagal na niyang gustong makalalaki.

Nangangamba ako kung mabisto ako kapag hindi niya maging kamukha ang bata? Kung sabagay may pagkakahawig naman sila ng aking karelasyon.

Alam din ng karelasyon ko na magkaka-anak na kami. Pero pareho namang wala sa isip namin na buwagin ang kani-kaniya naming pamilya. Nung huling magkausap kami, sinabi ko kay Rafael na  tigilan na namin ang aming kahibangan.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Kaya lang in-love na kami sa isa’t isa. Mahal ko po ang mister ko. Dapat ko bang aminin sa kanya ang pagtataksil ko? Payuhan po ninyo ako, ayaw kong makaapekto ang kamalian kong ito sa aming mga anak.

Maraming salamat sa inyo Dr. Love at more power.

Gumagalang,

Cristina 

Dear Cristina,

Talagang palaging nasa huli ang pagsisisi.  Walang mister ang matutuwa kung malaman niyang napindeho siya. Kaya ang maipapayo ko, sa lalong madaling panahon ay putulin mo ang ugnayan mo sa iyong karelasyon. Kung kailangan dumating sa puntong ikonsidera mo ang pagre-resign, gawin mo at humanap ka ng ibang mapapasukan. ‘Yan ay kung seryoso kang mapangalagaan ang katahimikan ng iyong pamilya.

Lahat naman tayo ay nagkakamali, pero dapat ay pagsikapan natin maitama ang anumang pagkakatisod at agad na bumangon sa kinalugmukan.

Tungkol sa pagtatapat mo, gawin mo kung hiningi na ng pagkakataon. Pero dalangin ko na kapag dumating ang sandaling ‘yun ay hindi ganoon ka­tindi ang sakit at maka-move on agad ang pamilya mo. Sana rin ay magtanda ka na at huwag nang madagdagan pa ang pagkakamali mo.

DR. LOVE

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: