^

Dr. Love

Sumbat ng budhi

Pilipino Star Ngayon

Dear Dr. Love,

Lumiham po ako sa inyo para maibsan ang dinadala ko sa aking konsensiya. Malaki po ang naging pagkakasala ko sa aking asawa noong nabubuhay pa siya. 

Nagkaroon nang iba’t ibang komplikasyon ang asawa ko kaya kinailangan niyang uminom ng mga gamot, na ayon sa kanyang doctor ay makakaapek­to sa kanyang genital erection. Walang pasubali po akong sumang-ayon dito dahil nakahanda kako akong isakripisyo ang pangangailangang seksuwal alang-alang sa pagbuti ng aking asawa.

Pero dahil bata pa ako at may malusog na panga­ngatawan, nagkamali ako na kakayanin kong mapigilan ang sarili. Natukso po ako sa kamag-anak ng asawa na dati nang may kursunada sa akin.

Nanliligaw pa lang noon sa akin si Bobby pero alam kong may gusto sa akin si Rodel. Dahil praktikal akong tao, kahit malayo ang agwat nang edad namin ng asawa ko, siya ang pinili ko.

Alam ko po na may magandang kinabukasan ako sa piling ni Bobby kaysa kay Rodel.

Sa kasagsagan nang pakikipagbuno ni Bobby sa kanyang sakit ay siya namang pagpaparamdam ni Rodel. Kung kailan pilit kong sinusupil ang aking sarili ay saka ako naging marupok.

Tumagal ang lihim na lihim na relasyon namin ni Rodel at hanggang sa tuluyang pumikit ang asawa ko ay hindi ako nakahingi ng tawad sa kanya.

Ang sabi ni Bobby, sakaling hindi ko matagalan ang pagiging tigang ay malaya raw akong humanap ng iba…ipaalam ko lang daw sa kanya, bagay na hindi ko na nagawa hanggang sa mawala na siya.

Ngayon po ay sinusumbatan ako ng aking budhi, kahit malayang-malaya na kami ni Rodel. Naka­handa na kasi akong makipaghiwalay noon pero ayaw pumayag ng lover ko. Dapat ko po bang ituloy ang pakikipaghiwalay sa kanya? Payuhan po ninyo ako.

Gumagalang,

Janette

 

Dear Janette,

Kung nagawa mo lang sanang makapaghintay, magaan sa konsensiya mong ipaubaya ang sarili sa kamag-anak ng asawa mo na noon mo pa rin type. Kung ang pakikipagkalas kay Rodel ang makakapag-alis nang pagka-guilty mo, gawin mo. Ikaw lang naman ang makakapagpasiya tungkol sa bagay na ‘yan. Pero kung ako ang tatanungin mo, para saan pa? Biyuda ka na ngayon at malaya na.

DR. LOVE 

 

 

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with