PSN Dr.Love ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Nagbago si mister

Dear Dr. Love,

Ikubli mo na lang ako sa alyas na Mrs. Happy.

Happy ako dahil sa malaking pagbabagong nakita ko sa aking asawa nitong mga nakaraang araw.

Maaga na siya kung umuwi. Hindi na siya amoy-alak at buo ang kanyang suweldong iniaabot sakin. Ganyan ang ugali niya sapul nang maging mag-asawa kami limang taon na ang nakararaan.

Nasorpresa ako sa bigla niyang pagbabago. Noong araw, halos gabi-gabi ay pasado alas-dose ng hatinggabi na siya kung umuwi at amoy-alak.

Halos wala na siyang naiaabot na suweldo sa akin at pinagkakasya ko na lang ang kaunting kinikita ng maliit naming tindahan. Sa totoo lang, gusto ko na siyang hiwalayan noon. Nagpapasalamat ako sa Diyos at nagbago bigla ang kanyang ugali.

Kapag nagpapahinga, imbes na manood ng TV ay Bible ang kanyang binabasa. Pero may inaayawan ako sa pagbabago niya. Niyayaya niya akong makipag-fellowship sa isang relihiyon na hindi ko naman kinalakihan. Debotong Katoliko ako at nalulungkot ako at ayaw na niyang magsimba kundi sumamba sa kanilang church. Ano ang aking gagawin?

Mrs. Happy

 

Dear Mrs. Happy,

Ang mahalaga’y nagbago siya, hindi ba? Matutuwa ka ba kung mananatili siya sa dating relihiyon pero balik din ang dating ugali na ayaw mo?

Siguro magsiyasat ka. Alamin mo kung ano’ng mayroon ang pinasok niyang “relihiyon” at siyang nagkaroon ng magandang pagbabago.

Samahan mo siya kahit paminsan-minsan sa fellowship na dinadaluhan niya at maging sa pag-aaral ng Bible para malaman mo ang tunay na dahilan at bigla siyang bumait.

Sa pagkakaalam ko, hindi tayo puwedeng bumait sa sarili nating sikap. Ito’y grasya ng Diyos na natatamo kung sinsero tayong lalapit at tatanggap sa Kanya kasabay ng pagsisisi sa ating mga kasalanan.

Dr. Love

  • Follow Us: