PSN Dr.Love ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Hinanakit sa kapatid

Dear Dr. Love,

Kumusta po kayo? Masaganang pangungumusta rin po ang pahatid ng liham kong ito sa iba pa ninyong kasamahan sa pahayagan at mga mambabasa.

Ako po si Leandro Alto, isang bilanggo sa pambansang piitan.

Nilakasan ko ang loob ko na magpaabot ng kalatas na ito sa inyong pitak para maibsan ang dinadala kong kalungkutan lalo na sa pangungulila ko sa mga mahal ko sa buhay.

Nakabilanggo ako ngayon sa salang pagpatay dahil sa sobrang pagmamahal ko sa aking kapatid. Sa kaapihang dinanas niya ay minabuti kong ipagtanggol siya.

Pero habang ako ay nagdurusa sa bilangguan, ni minsan ay hindi ko nasilayan ang mukha ng aking kapatid para alamin naman ang aking kalagayan dito sa kulungan.

Ni minsan ay hindi ko siya sinumbatan. Pinagtiisan kong lahat ang kalagayan ko rito alang-alang sa kanya.

Habang lumilipas ang mga araw, natanggap ko na rin ang mga pangyayaring naging daan sa aking pagkakabilanggo. Pero naroroon pa rin ang pananabik sa aking mga kapatid.

Nauuhaw po ako sa pagmamahal nila. Kaya sa lungkot na dinaranas ko, nagpasya akong magpatuloy ng pag-aaral para naman mapaunlad ko ang aking sarili at mapaghandaan ang aking hinaharap.

Sana po, mabasa ito ng aking mga kapatid para mabatid nila na nangungulila sa kanila ang kapatid nilang bilanggo.

Sana rin po, magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat na makakapalitang kuwento at mga ideya para mabawasan ang aking lungkot at magsilbing inspirasyon sa buhay.

Gumagalang,

Leandro Alto

232 Student Dormitory,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776

Dear Leandro,

Nauunawaan namin ang kalagayan mo diyan sa bilangguan.

Talagang malungkot ang mawalay sa mga mahal sa buhay.

Huwag mo nang masyadong paghinanakitan ang iyong mga kapatid kung hindi man lang sila nadadalaw sa iyo. Malayo ba ang tinitirhan nila? Nasa probinsiya ba? Mayroon ba silang mababaon sa pagluwas nila dito sa Metro Manila?

Ipinagtanggol mo kamo ang iyong kapatid dahil mahal mo siya. Siguro, lubus-lubusin mo na ang pagbibigay sa kanya dahil marahil ay may malalim at ibang dahilan para ka hindi man lang nila masilip diyan sa Muntinlupa.

Alisin mo na ang hinanakit mo sa dibdib. Makikita mo, mawawala ang sama mo ng loob. Ibuhos mo na sa pag-aaral at paghahanda sa iyong paglaya ang isipan mo para hindi ka mabagot.

Gaya ng pagnanais mo, hangad nating mabasa ito ng mga kapatid mo para madalaw ka nila diyan sa piitan.

Warm regards.

Dr. Love

  • Follow Us: