PSN Dr.Love ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Hindi ako nawawalan ng pag-asa

Dear Dr. Love,


Una po, nais kong ipaabot sa inyo ang mataos kong pagbati at sana sa pagtanggap ninyo ng liham na ito ay isapuso ninyo ang problemang idinudulog ko at mabigyang pagkakataon ang liham kong ito.


Tawagin na lang po ninyo ako sa pangalang Jun-Jun dela Cruz Calandang, 21 years-old.


Dalawa lang kaming magkapatid at ako ang bunso. Pero ako ang hindi pinalad sa buhay dahil sa edad na 16-anyos, napunta na ako sa malamig na selda.


Hindi ko po kagustuhan ang makapatay ng tao at masadlak sa tinatawag na libingan ng mga buhay.


Huwag po sana ninyong isipin na ako ay isang masamang tao. Nagawa ko po ang pagpatay sa kapakanan ng inaapi sa kagaya naming mahirap.


Napiit ako noong 1999 sa pagtatanggol sa kapatid kong babae na pinagtripan ng mga addict sa lipunan.


Bagaman nakulong ako, hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa sa buhay. Palagi kong sinasabi sa sarili na lalaya din ako.


Sana po, matulungan ninyo at bigyan ninyo ako ng payo kung ano ang dapat kong gawin para malabanan ang mga pagsubok sa buhay.


Inaasahan ko rin po na sa pamamagitan ng liham kong ito, marami akong magiging mga kaibigan sa panulat.


Salamat po sa pagkakataong ibinigay ninyo para mailathala ang liham na ito.



Lubos na umaasa,


Jun Jun Calandang


Bldg. 2 Dorm 233,


Student Dormitory,


MSC, Camp Sampaguita,


Muntinlupa City 1776



Dear Jun Jun,



Salamat din sa liham mo at sana, sa paglalathala nito, marami kang maging kaibigan sa panulat.


Nauunawaan ko ang damdaming inihayag mo hinggil sa naganap na insidenteng naghatid sa iyo sa bilangguan.


Wala kami sa posisyon para magbigay ng anumang komentaryo hinggil sa naging kaso mo at sa naging hatol sa iyo ng hukuman.


Ang maipapayo lang ng pitak na ito, sana panatilihin mo ang kahinahunan at higit na patatagin ang paniniwalang hindi habambuhay na makukulong ka kung magpapakabuti at pagsisisihan ang nagawang mali sa lipunan.


Huwag mong kalilimutang mayroon tayong Panginoon na siyang puwede mong tawagan para humiling na sana, sa pamamagitan ng pagpapakabuti, mapaikli ang panahon ng pananatili mo sa piitan.


Mabuti rin at nagpapatuloy ka ng pag-aaral. Sana paglaya mo, magamit mo ang pinagsunugan mo ng kilay kahit nasa loob ka ng piitan.


Good luck!



Dr. Love

  • Follow Us: