PSN Dr.Love ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Attractive sa may asawa

Dear Dr. Love,


Magandang araw po sa inyo sampu ng inyong mga kasamahan sa pasulatang ito. Happy New Year din po.


Sumulat ako dahil gusto kong humingi ng payo sa aking problema. Matagal na po akong sumusubaybay sa inyong column at marami po akong natututuhan sa mga payong ibinibigay ninyo sa mga sumusulat sa inyo.


Mayroon po akong boyfriend sa kasalukuyan kaya lang ay mayroon na siyang pamilya. Alam kong mali ang aming relasyon pero nandito na ako sa ganitong sitwasyon.


Bukod po sa kanya, mayroon akong matagal nang crush. Ang problema din po ay mayroon na itong ka-live in at mayroon na silang anak.


Pumunta siya rito sa amin at medyo nakainom kung kaya sa amin na siya natulog. May nangyari sa amin at ang kinatatakutan ko ngayon ay baka mabuntis ako. Hindi po ito alam ng aking boyfriend.


Ano po ang gagawin ko? Lapitin po kasi ako ng mga lalaking may asawa.


Nagpapasalamat po ako ng marami at sana ay mabigyan ninyo ng pansin ang liham kong ito.



Gumagalang,

Miss Saphire ng Antipolo City



Dear Miss Saphire,



Happy New Year din sa iyo at sana ang bagong taon ay maghatid sa iyo ng magandang kapalaran at maayang bukas.


Natunghayan ko ang liham mo at sana ay huwag mong ipagdamdam kung sabihin ko sa iyong hindi kita maunawaan.


Bakit kamo? Unang-una, mayroon ka nang boyfriend na may asawa pero gusto mo pa ring maging higit na kumplikado ang problema mo sa pakikisiping sa isang lalaking mayroon nang kinakasama at mayroon na ring anak.


Hindi magandang rason ang sabihing nandiyan ka na sa isang masalimuot na sitwasyon kung kaya hindi mo na nais na makabalikwas pa. Tatagan mo ang dibdib mo at iwaksi sa isip na kung nasa isang kumunoy ka na ay hindi mo na gusto pang makaalis doon at doon ka na mamamatay.


Ang isang tao, habang nabubuhay, ay laging umaasang makakaahon kundi man sa hirap ay sa kasalukuyang masalimuot na pamumuhay.


Bago mahuli ang lahat, kalimutan mo na ang may asawa mong boyfriend at iwasan mo na rin ang lalaking mayroon nang pananagutan bagaman hindi siya kasal.


Higit lang na lalala ang problema mo kung hindi mo gagawin ito. Dalawang lalaki sa buhay mo at isa pa ay baka magkaroon ng bunga ang isang gabing pagkulunoy sa maling pag-ibig.


Sana sa bagong taong ito ay matutuhan mong magbigay at umiwas sa mga tukso.


Magpatingin ka sa manggagamot para matiyak kung nagbunga nga ang inyong kapusukan. Kung hindi, kapwa mo kausapin ang dalawang lalaking minahal mo para sabihing kailangan na ninyong magbagong-buhay para sa kapayapaan ng isipan.


Good luck at sana sa taong ito ay makatagpo ka ng kapayapaan ng damdamin.



Dr. Love

  • Follow Us: