Habambuhay hatol sa 1 pang miyembro ng ‘Tinga drug group’
MANILA, Philippines - Pinatawan ng parusang reclusion perpetua o tatlumpung taong pagkakabilanggo ang isang miyembro ng ‘Tinga drug syndicate’.
Sa 32-pahinang desisyon, hinatulan ni Judge Antonio Olivete ng Taguig Regional Trial Court Branch 267 si Elisa “Ely” Tinga na guilty beyond reasonable doubt dahil sa pagbebenta ng shabu na nagkakahalaga ng P5,000.
Kaugnay nito, pinagbabayad din ng korte si Tinga ng halagang P500,000. Nahatulan din siya ng “guilty verdict” sa isa pang kaso nito ukol sa illegal possession of prohibited drugs kung saan siya nasintensyahan ng pagkakakulong ng 10 hanggang 15 taon. Kasama rin ni Tinga sina Andrea Escalante at Daniel Datinggaling na matapos mahatulan ay agad ding inilipat sa Correctional Institution for Women (CIW) at sa New Bilibid Prison (NBP).
Nag-ugat ang kaso laban kay Tinga mula sa ginawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), District Anti-Illegal Drugs - Southern Police District (DAID-SPD) at Taguig City Police noong July 2012 sa Kalayaan Street ng Brgy. Ususan, Taguig City. Nahuli sila sa aktong nagbebenta ng isang pakete ng hinihinalang shabu na napatunayang bawal na gamot matapos ang masusing imbestigasyon.
Mula pa noong 1996, si Elisa Tinga ang pang-pitong miyembro ng ‘Tinga drug syndicate’ na nadakip ng awtoridad. Siya rin ang ikatlong most wanted person sa listahan ng illegal drug distributors sa buong Taguig at asawa ni Noel Tinga na di-umano ay pinsan ni dating Taguig City Mayor Freddie Tinga.
Nahatulan din ng reclusion perpetua ang isa pang miyembro ng Tinga drug syndicate na si Joel Tinga noong Setyembre nang nakaraang taon matapos magbenta ng ipinagbabawal na gamot.
- Latest