^

Bansa

TESDA, NCIP nagkaisa sa pagtulong sa mga katutubo

Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines - Nagsanib puwersa ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) upang mabigyan ng libreng skills training ang mga katutubo sa ating bansa.

Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, ang skills training sa mga katutubo ay isang pagkakataon upang magkaroon ng sapat na kasanayan ang mga ito na kanilang magagamit sa paghahanap ng pagkakakitaan.

Kamakalawa ay pormal nang nilagdaan ni Mamondiong at ni NCIP Chairperson Leonor Oralde-Quintayo ang Memo­randum of Agreement (MOA) para sa skills training sa mga katutubo.

Layunin ng proyekto na mabigyan ng National Certificate (NC) at Certificate of Competency (COC) ang mga katutubong nagna­nais na makakuha ng skills training habang magiging obligasyon ng TESDA ang pagbibigay sa mga ito ng job referrals.

Kaugnay nito, inatasan na rin ni Mamondiong ang lahat ng provincial at regional directors upang makipag-ugnayan sa mga katutubong naninirahan sa kanilang mga nasasakupang lugar o lalawigan para sa proyektong ito.

Sa pamamagitan din nito ay maihahanda ang mga katutubo upang ma­ging produktibo nang sa gayon ay makatulong ang mga ito sa pagpapaunlad sa kanilang mga lupain na ipinagkaloob ng gobyerno.

Nagpasalamat naman ang NCIP kay Mamondiong dahil sa pagbibigay nito ng importansiya sa mga katutubo na mabigyan ng pagkakataon ang mga ito na mapaunlad ang kanilang pamumuhay.

vuukle comment

TESDA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with