Altas nagpalakas sa ‘twice-to-beat’
MANILA, Philippines – Pinasadsad ng nagdedepensang University of Perpetual Help System Dalta ang Jose Rizal University, 25-19, 25-22, 25-18, upang mapalakas ang tsansa sa ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four ng NCAA Season 92 men’s volleyball tournament.
Muling nagsanib-puwersa ang magkapatid na sina Rey Taneo, Jr. at Relan Taneo para dalhin ang Altas sa 7-1 baraha.
Humataw si Rey ng 11 puntos, habang gumawa si Relan ng 37 excellent sets kalakip ang anim na puntos.
Nagdagdag naman ng tig-walo sina Manuel Doliente at Esmail Kasim at pito si Allan Jan Salaan.
Sumalo ang Perpetual Help sa liderato kasama ang St. Benilde (7-1).
Isang panalo na lamang ang kailangan ng Altas para makuha ang ‘twice-to-beat’ bonus.
Maisasakatuparan ito ng Perpetual Help sa pakikipagtipan sa Arellano University (6-2) sa Miyerkules.
“It’s a matter of wanting to win because we can achieve anything if we show willpower,” wika ni Perpetual Help mentor Sammy Acaylar, ang head coach ng men’s national team sa 29th Southeast Asian Games.
Tinapos ng Heavy Bombers ang kampanya bitbit ang 1-8 marka.
Walang manlalaro ng Jose Rizal ang nagtala ng double digits.
Magpapatuloy ang aksyon bukas tampok ang paghaharap ng Emilio Aguinaldo College at Letran sa alas-9:30 ng umaga at ng San Sebastian at Lyceum of the Philippines sa alas-2 ng hapon.
- Latest