Lenten alert: PNP nag-deploy ng 75,000 pulis
MANILA, Philippines - Nag-deploy ng 75,000 pulis ang Philippine National Police (PNP) sa Metro Manila at mga karatig na mga probinsiya upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko kaugnay ng paggunita sa Semana Santa at mahabang Summer Vacation (Sumvac) 2017.
Ito’y sa gitna na rin ng pagkakaaresto ng mga awtoridad sa mag-asawang hinihinalang miyembro ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) terrorists na sina Hussein Azo Aldhafiri alyas Abu Muslim, 40 at misis nitong si Rahaf Zina Dhafiri, 27 anyos, na isang buntis.
“Full alert status ang PNP at from the normal deployment, we have allocated these 75,000 policemen to ensure safety of travellers to other provinces and galing provinces to Manila yan po aming tinututukan,” sabi ni PNP Spokesman P/Sr. Supt. Dionardo Carlos.
Partikular na mahigpit na babantayan ang mga bus terminals, paliparan, daungan at iba pang matataong lugar na dinarayo tuwing Holy Week at maging Summer Vacation.
Nilinaw naman ni Carlos na nakaalerto na ang PNP simula pa noong magdeklara ng ‘state of lawlessness’ si Pangulong Duterte at pinaigting lamang nila ito dahil sa Semana Santa at mahabang bakasyon. Tatagal ang deployment hanggang Hunyo 13 matapos ang pagbubukas ng klase.
Sa kabila nito, wala namang namomonitor ang PNP at AFP na banta ng terror attack partikular na sa Metro Manila.
- Latest