Damo sa Pilapil (36)
ISANG laptop ang laman ng bag. Tuwang-tuwa si Zac. Noon pa niya pinapangarap na magkaroon nito. Parang narinig ang kanyang dasal. Lubhang kailangan niya ang gamit na ito. Sa kanilang klase, iilan na sila na walang laptop.
“Maraming salamat Mam. Malaking tulong po sa akin ang laptop.’’
“Pagbutihin mo pa ang pag-aaral, Zac. Lahat nang kailangan mo ay ibibigay ko.’’
“Salamat Mam. Hindi ko alam kung paano ako makakaganti sa kabutihan mo.’’
“Huwag mo munang problemahin ‘yun. Basta aral ka lang nang aral.’’
“Opo Mam.’’
“Siyanga pala, napadalhan mo ba iyong parents ng pera?’’
“Opo. Tuwang-tuwa nga po si Itay at Inay pati kapatid ko. Sabi po sa akin sa sulat na padala, sundin ko raw lagi ang utos mo Mam. Huwag daw akong magbubulakbol.’’
“Mabuti naman at napadalhan mo sila. Tuwing suweldo mo, padalhan mo sila para naman makatikim sila ng pinagpawisan mo. Huwag mo silang kalilimutan. Dapat mong mahalin at tulungan ang iyong mga magulang. Kapag nawala na sila, saka mo lamang mare-realized ang lahat.’’
“Opo Mam, gagawin ko ang sinabi mo .’’
“Siyanga pala natutuwa ako at naaalagaan mo itong bahay. Ikaw ba ang nagpintura ng gate natin? Ang ganda ah!”
“Napansin ko po kasi na may bahagi nang kinakalawang. Sayang po naman kung masisira ang gate.’’
“Ang ganda ng pagkakapintura mo, Zac. Nang makita ko kahapon, parang nanibago ako. Matagal na rin kasing hindi ko naaasikaso itong bahay. Salamat at naaalagaan mo.’’
“Wala pong anuman, Mam. Iyan lang po ang maigaganti ko sa kabutihan mo. Napakabuti mo Mam. Wala kang katulad.’’
Nakangiti si Mam at saka tinitigan si Zac.
Nagbaba ng paningin si Zac.
(Itutuloy)
- Latest