Helterbrand ‘di pa magreretiro
MANILA, Philippines - Hindi na itinuloy ni 2008 PBA Most Valuable Player Jayjay Helterbrand ang kanyang naunang planong pagreretiro matapos ang PBA season.
Matapos makipag-usap kay coach Tim Cone sa exit meeting kasama ang iba pang players ng Barangay Ginebra ay nagdesisyon ang 40-anyos na si Helterbrand na pumirma ng one-year contract para sa susunod na PBA season.
Muling ipinakita ni Helterbrand ang kanyang pamatay na porma nang makapag-ambag sa paghahari ng Gin Kings sa katatapos na 2016 PBA Governor’s Cup laban sa Meralco Bolts.
Matapos ang 91-88 pagtakas ng Ginebra sa likod ng buzzer-beating three-point shot ni import Justin Brownlee sa Game Six ng season-ending conference ay nakiusap ang 36-anyos na si Mark Caguioa na ipagpaliban ni Helterbrand ang kanyang pagreretiro.
“As you could tell, we’re super close off and on the court,” sabi ni Caguioa kay Helterbrand, nakatulong niyang gumiya sa Gin Kings sa huling korona noong 2008 PBA Fiesta Cup. “He better not retire man. That’s what I’m saying.”
Samantala, magpupulong ang PBA Board of Governors sa Huwebes para plantsahin ang usapin sa draft order para sa mga players ng Gilas Pilipinas na lalahok sa 2015 Rookie Draft sa Oktubre 30 sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.
Reresolbahin ng PBA Board kung anong draft order ang gagamitin para sa 12 players ng Gilas na sasalang sa isang special draft kasunod ang regular draft ng liga.
Kung susundin ang regular draft order ay inaasahang kukunin ng Blackwater bilang No. 1 overall pick si 6-foot-4 Gilas power forward Mac Belo.
Ang iba pang miyembro ng Gilas Pilipinas ay sina Carl Bryan Cruz, Ed Daquioag, Russel Escoto, Kevin Ferrer, Jio Jalalon, Von Pessumal, Roger Pogoy, Mike Tolomia, Arnold Van Opstal, Matthew Wright at Alfonso Gotladera.
- Latest