Ladon, Maamo may tiket na sa Germany
MANILA, Philippines - Pasok na sina lightflyweight Rogen Ladon at flyweight Dannel Maamo sa semifinals ng 2017 World Boxing Championship.
Ito ay nangyari matapos kapwa magwagi ang dalawang Pinoy boxers sa kanilang magkahiwalay na quarterfinal round sa 2017 ASBC Asian Elite Men’s Championship na ginaganap sa Uzbekistan Sports Complex ng Tashkent, Uzbekistan.
Tinalo ng Rio Olympics veteran na si Ladon si Hussein Al Maori ng Syria pagkaraang idiskuwalipika ng referee ang Syrian boxer dahil sa paulit-ulit na ducking.
Binigyan na ang Syrian boxer ng deduction sa ducking sa unang round pa lamang, ngunit inulit uli kaya hininto na ng referee ang laban at idineklarang panalo ang 23-anyos na tubong Bago City.
Ang 20-anyos na si Maamo naman ay nagwagi kontra kay Seneviratne Bandara ng Sri Lanka, 5-0 para makapasok sa semifinal round.
Sa malaking panalo ng dalawang miyembro ng national boxing team, nakakuha na sila ng automatic slots sa World Championships na gaganapin sa Hamburg, Germany ngayong Agosto.
Ang top six sa bawat division ang siyang papasok sa naturang world boxing championship.
Hindi naman pinalad ang middleweight na si Felix Marcial matapos matalo kay local bet Israil Madriimov sa unanimous decision.
Kahit natalo, may tsansa pa ang 21-anyos na si Marcial na umabante kung mananalo siya laban kay Abdul Mouen Aziz ng Syria sa box-off sa Sabado upang makasungkit ng ticket para sa Hamburg, Germany tourney.
- Latest