PSN Bansa ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Daan-libong Pinoy inihatid si Cory

MANILA, Philippines - Daan-daang libong tao ang naglabasan sa kalsa­da at nag-abang at nagha­tid sa labi ni dating Pangu­long Corazon Aquino sa Ma­nila Memorial Park sa Paraña­ que mula sa Manila Cathedral kahit umuulan. Bukod pa ito sa maraming tao na nag-abang sa libing sa pamamagitan ng telebis­yon, radyo at internet.  

Bumagal ang usad ng trak na sinasakyan ng ka­baong ni Aquino at ng convoy nito na kinabibilangan ng sinasakyan ng mga mi­yembro ng kanyang pamil­ya dahil na rin sa dami ng sumusunod na sasakyan at nakaharang na mga tao kaya nahira­pan itong luma­bas sa Intramuros May­nila..

Alas-11:23 ng umaga nang magsimula ang pru­sisyon ng libing. Inabot ng mahigit 10 oras bago na­karating ang labi ni Aqui­no sa Manila Memorial Park.

Karamihan ng mga tao ay humihiyaw ng “Cory, Cory”, nakasuot ng dilaw na t-shirt o laso, nagpa­palipad ng mga dilaw na lobo, nag­sesenyas ng La­ban. May 18 sako ng dilaw na bulaklak ang ibinuhos ng dalawang helicopter ng militar sa bawat kalsadang dinaanan ng prusisyon. Bukod pa ito sa mga confetti na iniha­ha­gis mula sa matataas na mga gusali sa ruta ng libing.

May ilan naman na nag­titinda ng payong at kapote at dilaw na t-shirt. Hindi na­man mapigilan ng mga tao na mapaluha ka­sabay ng pagsisigaw ng “Cory, Cory”, “Paalam Tita Cory”, “Mara­ming Salamat po Tita Cory” at “We Love You Tita Cory” nang du­maan sa kanilang harapan ang karo ng dating Pa­ngulo. Naglitawan din sa paligid ang mga poster o larawan ni Aquino at ng asawa niyang si dating Senador Ninoy Aquino. 

Dahil sa hindi makon­trol na pagdagsa ng mga tao sa daraanan ng funeral convoy, napilitang magsa­gawa ng human chain upang umu­sad ang sina­sakyan ng na­mapayang dating Pangulo.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Nakasakay sa isang coaster ang pamilya Aqui­no na kasama sina Kris at Senator Noynoy Aquino habanng nakabuntot sa truck na kinalululanan ng mga labi ni Gng. Aquino. Ilang sandaling binuksan ang bintana ng coaster ng pamilya Aquino upang mag­pasalamat sa mga taong dumagsa para maki­ramay at maihatid sa hu­ling han­tungan ang kani­lang mahal na ina at ina ng demok­rasya.

Bago pa man nakara­ting sa Manila Memorial Park ay libu-libong katao na ang naghihintay sa sementeryo.

Sa pagtaya ng National Capital Region Police Office, aabot sa 130,000 ang mga taong nagpakita ng pakikidalamhati kay Aqui­no.

Sa himpilan ng Philippine Air Force at Philippine Navy, nagsagawa ng 21-gun salute bilang parangal kay Aquino na dati nilang commander-in-chief. Sa sementeryo, binigyan din ng arrival honor ng militar ang yumaong dating pa­ngulo.

Si Gng. Aquino ay ini­li­bing sa tabi ng puntod ng ka­biyak niyang si dating Se­nador Benigno “Ninoy” Aqui­no. (Doris Franche, Gemma Garcia, Mer Layson Ludy Bermudo, Rose Tesoro, at Ellen Fernando)

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: