PSN Bansa ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

No.3 sa senatorial survey: Cayetano, pinasikat ni FG

Lalo lamang lumakas ang pag-asa ni House Deputy Minority Leader Alan Peter Cayetano na maging senador matapos siyang sampahan ng iba’t ibang kaso ni First Gentleman Jose Miguel "Mike" Arroyo at patawan ng 45 araw na suspensiyon na walang suweldo ng House committee on Ethics.


Base sa January 2007 national survey ng Pulse Asia kaugnay sa "senatorial preferences" ng mga Pinoy, pumangatlo si Cayetano sa pitong kandidato ng oposisyon na nanguna sa survey.


Isinagawa ang survey sa pagitan ng Enero 25-29, 2007 kung saan tinanong ang nasa 1,200 respondents mula sa Metro Manila, at iba pang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao.


Ayon sa Pulse Asia, kung ngayon gagawin ang eleksiyon, pito sa mga kandidato ng oposisyon ang pasok sa ‘magic 12".


Nangunguna sa listahan si dating Sen. Loren Legarda na nakakuha ng 46.6%. Nag-tie sa pangalawang puwesto sina Sens. Panfilo Lacson (34.6%) at Francis Pangilinan (34.6%); sinundan ni Cayetano (31.7%); at dating Sen. Tito Sotto III (28.8%).


Kapuna-puna na mas nanguna pa si Cayetano kina Sen. President Manuel Villar Jr. na nakakuha lamang ng 26.4%; Sen. Ralph Recto (26.0%); Sen. Joker Arroyo (25.8%); San Juan Mayor JV Ejercito-Estrada (25.7%); Atty. Aquilino Pimentel III (24.4%) at Sen. Edgardo Angara (24.0%).


Pumasok din sa listahan ng "probable winners" sina dating Sen. Gregorio Honasan (23.3%); House Minority Leader Francis Escudero (23.2%) at Tarlac Rep. Benigno Aquino III (22.5%).


Samantala, hindi pa tiyak kung tuluyang maipapatupad ang 45 araw na suspensiyon ni Cayetano na inirekomenda ng Ethics committee dahil kailangan pa itong pagbotohan sa plenaryo.


Sinabi ni Cayetano na ang pagpapataw sa kanya ng suspensiyon ay hindi nangangahulugan na nalinis ang pangalan ng pamilya Arroyo kaugnay sa isyu ng kayamanan ng mga ito.


"There was no vindication over the decision. There is only a legal stalemate but they are (Arroyos) still morally and politically accountable," ani Cayetano.


Alam aniya ng mga mamamayan na "numbers game" ang naging batayan ng kanyang suspensiyon dahil mas marami ang kakampi ng administrasyon at hindi dahil sa mali ang kanyang paratang na may sekretong bank account ang ilang miyembro ng First Family. (Malou Escudero)

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: