PSN Bansa ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

RP magpapadala ng humanitarian team sa Pakistan

Magpapadala ang pamahalaang Arroyo ng humanitarian team sa Pakistan upang tumulong sa rehabilitasyon at pagbangon ng mga lugar na malubhang nasalanta ng lindol.


Ayon kay Press Secretary at Presidential Spokesman Ignacio Bunye, nagpalabas ng direktiba si Pangulong Arroyo kay Foreign Affairs Sec. Alberto Romulo para pangasiwaan ang pabuo ng humanitarian team.


Ipinaabot naman ni Pangulong Arroyo ang pakikiramay at pakikidalamhati sa mga nasawi sa trahedya na naganap sa Pakistan at kalapit na bansa.


Sinabi naman ni Sen. Richard Gordon, chairman at executive officer ng Philippine National Red Cross, mayroong mga search and rescue experts ang PNRC para tumulong sa mga sinalanta ng lindol sa Pakistan.


Ayon kay Sen. Gordon, may 3 emergency team ang PNRC na well-trained sa pagsagip sa mga biktima na nadaganan ng gumuhong gusali sanhi ng lindol.


"The said teams will be bringing with them the newly acquired rescue equipment of the PNRC which include heavy steel cutters, jaws of life, audio search, spreader and search cam," dagdag pa ni Gordon.


Samantala, dalawang Pinay ang masuwerteng nakaligtas sa malakas na paglindol noong Sabado sa Pakistan, India at Afghanistan.


Sa ulat ng Department of Foreign Affairs, ang mga nakaligtas na Pinay sa lindol sa Islamabad, Pakistan ay sina Gina Oclarit at Jane Lapus. (Lilia Tolentino/Rudy Andal/Ellen Fernando)

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: