Taguba pinalilipat ng kulungan sa PNP
MANILA, Philippines — Inutos ng korte sa lungsod ng Maynila ang paglipat kay Customs "broker" Mark Taguba mula National Bureau of Investigation patungo sa kulungan ng Philippine National Police sa lungsod ng Quezon.
Ililipat si Taguba sa Philippine National Police detention center sa kabila ng kaniyang mosyon sa korte na manatili siya sa NBI dahil sa banta umano sa kaniyang buhay.
Iginiit ng broker sa pamamagitan ng kaniyang abogadong si Raymond Fortun na mahalagang testigo si Taguba dahil na rin sa kaniyang mga isiniwalat sa Senado kaya naman kailangan niya ng mahigpit na seguridad.
Isa si Taguba sa resource persons sa imbestigasyon ng Senado sa P6.4 bilyon shabu shipment mula China na dumaan sa green lane ng Bureau of Customs.
Nahaharap si Taguba sa kasong drug importation, habang ang isinabit niyang si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon ay naabswelto.
- Latest