Pagpapatindi pa ng benepisyo para sa seniors at PWDs, giit
MANILA, Philippines — Iginiit ng Quezon City Council sa mga mambabatas sa Kongreso na magpatupad ng batas na magpapalakas pa ng Philhealth benefit package para sa mga senior citizens at sa mga taong may kapansanan (PWDs) sa bansa.
Sa ilalim ng QC Resolution 7219-2017, nakasaad dito ang pagkakaloob ng dagdag na benefit package na pagtatanggal ng professional o doctor’s fees para sa mga in-patient at out-patient senior citizens at PWDs upang mabawasan ang gastusin sa pagpapa- ospital ng mga ito.
“Our country is known as a nation that holds in high regard the welfare of the elderly and persons with disabilities. We are proud to claim that our society gives premium on ensuring that senior members of the community are respected and taken care of, and more importantly, living in comfort and security,”saad sa naturang resolusyon.
Ang kasalukuyang Republic Act No. 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 ay nagkakaloob lamang sa mga indigent senior citizens ng dagdag na privileges tulad ng libreng bakuna, social pension at mandatory Philhealth coverage na limitado lamang sa hospitalization at laboratory fees.
Ayon sa QC council, mas malaki ang maitutulong ng pamahalaan sa mga PWDs at mga elderly kung aalisin ang limitasyon para sa mandatory coverage ng mga senior citizens sa pamamagitan ng pagbibigay ng discount sa doctor’s fees para makabawas sa bayarin ng mga ito sa pagpapagamot.
- Latest