Backlog sa passport ginagawan ng paraan – Malacañang
MANILA, Philippines — Siniguro ng Malacañang na gumagawa ng hakbang ang gobyerno kaugnay sa problema sa libu-libong backlog sa passport application sa Department of Foreign Affairs (DFA), ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
Magugunitang pahirapan sa pagkuha ng online appointment sa Consular Affairs Office ng DFA para makapag-apply ng pasaporte lalo ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sinabi ni Sec. Roque, ginagawan na rin ng solusyon ng DFA ang problema kabilang dito ang paglulunsad kamakalawa ng “passport on wheels” para ma-accommodate ang mga passport applicants.
Ayon pa kay Roque, sisilipin din nila ang umano’y anomalya sa kontrata sa pagitan ng APO Production Unit Inc. at United Graphic Expression Corporation (UGEC) sa pag-imprenta ng mga passport.
Aalamin din ng Malacañang ang legal opinion ni Chief Presidential Legal Counsel (CPLC) Salvador Panelo kaugnay sa kontrata sa passport printing at report ng Commission on Audit (CoA) sa taglay na assets ng APO para malaman kung may kakayahang matupad ang kontrata.
Inamin ni Roque na noong siya ay kongresista pa lamang, nagkaroon na ng imbestigasyon sa nasabing isyu kung saan natuklasan nga ang ilang mga kuwestiyon sa kontrata ng APO at UGEC.
- Latest