Sundalo sugatan sa encounter
MANILA, Philippines - Isang sundalo ang nasugatan makaraang makasagupa ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa naganap na bakbakan sa liblib na bahagi ng Brgy. Sumoroy , Lope de Vega, Northern Samar kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasugatang biktima na si Corporal Artemio Bendo Jr., agad na isinugod sa military hospital para malapatan ng lunas.
Sa ulat ni Army’s 8th Infantry Division (ID) Commander Major Gen. Raul Farnacio, bandang alas-12:55 ng tanghali nang mangyari ang bakbakan sa pagitan ng tropa ng Army’s 43rd Infantry Battalion (IB) at ng grupo ng NPA terrorists sa lugar.
Kasalukuyang nagsasagawa ng Focused Military Operations (FMO) ang tropa ng mga sundalo nang masabat ang grupo ng mga rebelde na humantong sa engkuwentro sa pagitan ng magkabilang panig.
Ang palitan ng putok ay tumagal ng mahigit sampung minuto na ikinasugat ng nasabing sundalo .
Samantalang mabilis namang nagsitakas ang mga teroristang NPA bitbit ang mga sugatan sa kanilang hanay at pinaniniwalaang nalagasan din ang mga ito sa kanilang mga kasamahan.
Nagpapatuloy naman ang hot pursuit operations ng tropang gobyerno laban sa NPA terrorists sa lugar.
- Latest