CNN Hero itatalaga sa PCUP
MANILA, Philippines — Itatalaga ni Pangulong Duterte si Efren Peñaflorida na tinanghal na CNN Hero of the Year noong 2009 bilang pinuno ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP).
Inanunsiyo ng Pangulo ang balak na pagtatalaga kay Peñaflorida sa kanyang talumpati sa Christmas party para sa Davao media noong Biyernes.
Si Peñaflorida ang founder ng Kariton Klassroom kung saan tinuturuan niya ang mga batang lansangan.
Sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati na gusto niya ay galing sa mahirap pero marunong ang susunod na chairman ng PCUP.
“Bigyan mo ako ng tao na galing sa hirap o mahirap, na marunong at i-appoint ko na chairman,” pahayag ng Pangulo.
Matatandaan na tinanggal ng Pangulo sa puwesto bilang pinuno ng PCUP si Terry Ridon dahil sa umano’y ilang beses nang pagbibiyahe na hindi naman kailangan.
“I appointed him (Ridon) September. He has traveled 8 times (to) every gathering, conventions, seminar outside. And to think he was representing the urban poor. Kaya pinalayas ko lahat, wala akong tinira,” matatandaang inihayag ni Duterte.
Si Ridon ang dating kinatawan ng Kabataan partylist.
- Latest