Impeach Morales inihain sa Kamara
MANILA, Philippines — Naghain ng kasong impeachment sa Kamara ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) laban kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
Ang 94-pahinang complaint ay isinumite sa Office of the House Secretary General subalit wala pang kongresista na mag-e-endorso rito kaya maituturing lang ito na isang ordinaryong communication.
Kabilang sa mga complainant ng isinampang impeachment kay Morales ang pamilya ng SAF 44, Tanggulang Demokrasya Inc., Vanguard of the Philippine Constitution Inc., dating MRT general manager Atty. Al Vitangcol at mga dating kongresista na sina Glenn Chong at Jacinto Paras.
Anim na grounds ang pinagbasehan ng impeachment complaint, ito ay ang culpable violation of the constitution, treason, bribery, graft and corruption at betrayal of public trust and other high crimes.
Ilan sa mga laman ng reklamo kay Morales ay bunsod ng pagsasapubliko nito ng bank records ni Pangulong Duterte na malinaw na paglabag umano sa anti-money laundering law, ang pakikipagsabwatan umano niya kay Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang sa pag-iimbestiga sa yaman ng mga Duterte, ang pagdimis at pagpabor sa kaso ni Dino Salceda kung saan ang abogado nito ay kapatid ng Ombudsman na si Atty. Lucas Carpio, pagpapabaya sa tungkulin nito at pag-iral ng selective justice kung saan naging bias ito kay dating Pangulong Noynoy Aquino sa mga kaso ng Disbursement Acceleration Program o DAP at Mamasapano case.
Kahapon ay naghihintay pa ang mga complainant ng mag-eendorso ng impeachment complaint laban kay Morales.
- Latest