P8.7 B ‘right of way’ scam sa GenSan ibinulgar ni Aguirre
MANILA, Philippines — Ilang opisyal at mga malapit na kaibigan ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang iniimbestigahan kaugnay sa pagkakasangkot umano sa sindikato ng ‘fake right of way claims’ sa General Santos City na dahilan para malugi ang pamahalaan ng P8.7-bilyon.
Binanggit ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na may ‘potential liabilities’ ang ilan sa mga ito kabilang sina dating DPWH secretary Rogelio Singson at dating Budget secretary Florencio Abad.
Ani Aguirre, may hawak ang NBI ng sinumpaang salaysay ng testigo na sangkot mismo sa criminal syndicate kung saan sinasabing may partisipasyon ang ilang Aquino officials.
Si Singson umano ang nag-apruba at nag-request ng release ng bayad para sa pekeng RROW o road right of way.
Si Abad naman aniya ang nag-apruba ng pagpapalabas ng pondo para sa illegal RROW kaya kapwa sila may pananagutang kriminal.
Bukod kina Singson at Abad, idinadawit din sa scam sina Wilma Mamburan, Col. Chino Mamburan, Merceditas Dumlao at Nelson Ti.
Sinabi umano ng testigo ni Aguirre na si Nelson Ti ang financier ng grupo at kaanak ni Philippine Envoy to China Domingo Lee na malapit kay dating Pangulong Noynoy.
Kaugnay nito, inatasan na ni Aguirre ang NBI na ipagpatuloy ang kanilang case build-up para mapalakas ang kaso laban sa mga dating opisyal ng Aquino administration.
Umapela rin si Aguirre sa may mga nalalaman sa scam na lumantad at makipagtulungan sa imbestigasyon.
Sa inisyal na report ng NBI, ang grupo ay nag-ooperate gamit ang mga ‘fake titles’ at ‘non-existent persons’ na isinumite sa DPWH para makuha ang kompensasyon sa expropriation na apektado sa pagtatayo ng national highway sa General Santos City.
- Latest