Pilipinas, Malaysia at Indonesia nagkaisa vs terorismo, piracy
MANILA, Philippines — Upang mapalakas pa ang trilateral cooperative agreement sa paglaban kontra terorismo at piracy nagsagawa ng tatlong araw na port call visit ang mga delegado ng Malaysia at Indonesia forces sa Tawi-Tawi, ayon sa opisyal kahapon.
Sa report ni Joint Task Force (JTF) Tawi-Tawi Commander Brig. Gen. Custodio Parcon, dakong alas-8:43 ng umaga kamakalawa nang dumaong sa Tawi –Tawi ang dalawang Navy frigates ng delegasyon ng Royal Malaysian Navy sa pamumuno ni Captain Zahari Bin Samsuri at ng Tentara Nacional Indonesia na pinamumunuan ni Colonel Nanan Isnandar.
Agad naman silang sinalubong ng JTF Tawi Tawi sa pamumuno ni Parcon at ng Naval Station Juan Magluyan sa Brgy. Batu-Batu, Panglima Sugala ng lalawigan.
Samantala, nag-courtesy call din ang Royal Malaysian Navy at Indonesian Navy kay Tawi-Tawi Gov. Rashidin Matba sa provincial capitol ng lalawigan na sinaksihan rin ng mga lokal na opisyal sa lalawigan.
Nagsagawa rin ng trekking sa Bongao Peak kahapon ang delegasyon na sinundan ng boodle fight sa pananghalian bukod pa sa isinagawang serye ng “goodwill games” sa JTF Tawi-Tawi troops sa Panampangan Island.
“It’s part of our mechanisms to strengthen the maritime operations and curtail piracy and other crimes perpetrated by extremists through a limited trilateral patrol with Malaysian and Indonesian navy forces,” pahayag naman ni Lt. General Carlito G. Galvez, Jr., commander of the Western Mindanao Command.
Sinabi ni Galvez na mas patatatagin pa aniya ang kooperasyon ng Pilipinas sa kapitbahay na bansa upang matugunan ang anumang hamon sa seguridad sa kanya-kanyang rehiyon laban sa smuggling, human trafficking, transhipment of drugs, piracy at sa high profile kidnapping.
“Surely, the commercial shipping corridors will be secured,” dagdag ni Galvez.
- Latest