PSN Bansa ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Noy nagpiyansa sa Mamasapano case

Nakangiting dumating sa tanggapan ng Sandiganbayan Clerk of Court-Third Division si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kasama ang mga tagasuporta upang maglagak ng piyansa para sa kasong graft at usurpation of authority kaugnay sa Mamasapano incident na ikinasawi ng 44 miyembro ng SAF sa Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao noong Enero 2015.  Kuha ni Boy Santos

MANILA, Philippines — Naglagak na ng piyansa si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa Sandiganbayan para sa kanyang kasong graft at usurpation of authority kaugnay sa Mamasapano incident noong 2015 na ikinasawi ng SAF 44.

Dakong alas-4 ng hapon nang magtungo si Aquino sa third division para magproseso ng mga dokumento para sa kanyang pansamantalang kalayaan, isang araw matapos siyang sampahan ng kaso ng Ombudsman, kasama ang kanyang mga kapatid na sina  Ballsy Aquino-Cruz, Pinky Aquino-Abelleda at Viel Aquno-Dee, pamangkin na si Senator Bam Aquino at iba pa kaalyado.

Naglagak naman si Aquino para sa kanyang pansa­mantalang kalayaan ng halagang P40,000 para sa kasong graft at P10,000 para sa usurpation of authority.

Kapwa akusado ng dating pangulo sina  dating PNP Chief Alan Purisima at PNP-SAF chief Getulio Napeñas dahil sa pagpapatupad ng “Oplan Exodus” na target ang teroristang si Zulkifil Bin Hir alyas Marwan.

Kamuntik namang magkita ang dating pangulo at sina dating Vice President Jejomar Binay at Junjun Binay  dahil mayroon din silang dinidinig na kaso sa Sandiganbayan third division na pinamumunuan ni Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang kaugnay sa umano’y overpriced na pagpapatayo ng parking building sa Makati noong 2007 kung saan ang matandang Binay pa ang alkalde.

Samantala, siniguro ni Cabotaje-Tang na hindi maiimpluwensiyahan ni dating Pangulong Aquino ang korte sa kasong kinakaharap niya kaugnay sa Mamasapano massacre. Si Cabotaje-Tang ay appointee ni Aquino  at sa third division na kanyang hinahawakan bumagsak ang kaso ng dating presidente.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: