Sesyon ng Senado ipinagpaliban sa Nob. 16
MANILA, Philippines — Sa halip na Nobyembre 13 gagawin na lamang Nobyemre 16, 2017 ang muling pagbabalik ng sesyon ng Senado dahil sa gaganaping 31st Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit.
Ito ang inihayag kahapon ni Senate Secretary Lutgardo Barbo bagaman ay ipinatupad pa rin kahapon ang regular work day sa kabila ng ipinalabas na Memorandum Circular 32 ng Malacañang.
Sa nasabing circular, ipinag-uutos ang suspensyon ng trabaho sa lahat ng government offices na nasa loob ng Philippine International Convention Center (PICC) Complex sa Pasay City simula Nobyembre 8 hanggang15.
Ayon kay Barbo, ini-reschedule ang pagbubukas ng sesyon na dapat gagawin sa Lunes bilang pagsunod na rin sa security measures na ipatutupad sa ASEAN Summit.
Sa kabila nito, nagpahayag din ng pag-aalala si Barbo kaugnay sa mahahalagang panukalang batas na dapat tapusin ng Senado na maaaring maantala.
“I am concerned about the workload of the Senate as a legislative body. Its functions on investigations and public hearings are necessary in the law making process. May importanteng proposals pa na dapat tapusin,” ani Barbo.
Kabilang na rito ang panukalang pambansang budget para sa 2018 na tatalakayin na lamang sa Nobyembre 16 at 17.
- Latest