Bautista bumaba na sa puwesto!
MANILA, Philippines — Bumaba na sa puwesto si Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista matapos na tugunan ng Malacañang ang kanyang resignation letter.
Nabatid na nakasaad sa liham na ipinadala ni Secretary Salvador Medialdea na ‘effective immediately’ ang resignation ni Bautista alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ani Bautista, ito ang kanyang interpretasyon kaya’t lilisanin na niya ngayon ang Comelec.
Dahil dito, hindi na aabutin pa ng Disyembre 31 sa puwesto si Bautista mula sa una niyang anunsyo na pagbibitiw dahil ayaw din naman niyang masabihan na kapit tuko.
Paliwanag ni Bautista, nilagay lamang niya sa kanyang resignation letter na hanggang Disyembre 31 dahil nais niyang bigyan ang sapat na panahon ang Pangulong Duterte na makapili ng papalit sa kanya.
Sa ngayon bahala na ang iba pang commissioners na mamili kung sino ang pansamantalang magiging acting chairman.
Nabatid na hindi na rin dadalo ngayon sa Comelec en banc session si Bautista.
Sa ngayon, nais ni Bautista na maghatid sundo na lamang sa kanyang mga anak.
- Latest