Kaso sasalubong sa pagbibitiw ni Bautista
MANILA, Philippines — Sasalubungin ng mga kaso ang nagbitiw na Commission on Elections Chairman Andres Bautista pagkatapos niyang manilbihan sa gobyerno.
Sinabi ni Lorna Kapunan, abogado ng asawa ni Bautista na si Patricia, na magsasampa sila ng kaso sa pamilya ni Bautista kapag tuluyan na niyang iniwan ang pwesto sa Comelec.
“Criminal cases will be filed against him, his mother, sister, brother, [Nilo] Divina, Smartmatic, Luzon Development Bank etc.,” pahayag ng abogado ngayong Biyernes.
Bilang chairman ng poll body ay hindi siya maaaring makasuhan.
Nitong kamakalawa lamang ay inihayag ni Bautista ang pagbibitiw sa pwesto kung saan tatapusin lamang niya ang taong 2017.
Kasabay naman ng kaniyang pagbibitiw ang pagkaka-impeach sa kaniya ng Kamara.
Isiniwalat ng misis ni Bautista ang umano’y tagong yaman niya na hindi nakadeklara sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth.
Dahil dito ay iniutos ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang pag-imbestiga sa mga paratang laban kay Bautista.
- Latest