Encounter: 62 BIFF patay
MANILA, Philippines — Umaabot na sa 62 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang napatay habang umaabot naman sa 28 improvised explosive device (IED) ang nasamsam sa patuloy na opensiba ng militar sa Central Mindanao.
Ayon kay Captain Jo-Ann Petinglay, Army’s regional spokesperson, ang opensiba ay nagsimula pa noong Agosto 2 sa Maguindanao hanggang sa kasalukuyan.
Sinabi ni Petinglay na sa nasabing operasyon ay 9 BIFF fighters ang nasakote at nakarekober naman ang walong armas at 28 pampasabog.
Samantala, simula naman Pebrero 20 hanggang Setyembre matapos na magsimulang sumiklab ang sagupaan ay nasa 41 BIFF ang napatay habang 21 naman ang sugatan sa joint security operations ng AFP troops at Moro Islamic Liberation Front laban sa paksyon ng BIFF sa ilalim ng pamumuno ni Esmael Abdul Malik alyas Abu Toraype.
“MILF members ground their forces, maneuvering on BIFF lairs to purge terrorists in MILF areas, particularly in the municipalities of Shariff Saydona Mustapha and Datu Salibo, both in Maguindanao,” pahayag naman Major General Arnel Delavega, commander of the Joint Task Force Central.
Nabatid na nagdeploy ng air assets ang AFP troops bilang suporta sa MILF forces na tumutulong sa operasyon laban sa pinagkukutaan ng BIFF sa Barangay Damablac, bayan ng Talayan, Maguindanao noong Setyembre 19.
Umabot naman sa 20 MILF ang napatay habang 41 ang nasugatan simula ng mag-umpisa ang bakbakan.
Naitala naman sa 7 sundalo ang nasugatan kaugnay ng security campaign sa Maguindanao.
- Latest