LPA ganap nang bagyong Nando
MANILA, Philippines — Ganap nang bagyo ang sama ng panahon na nasa Northern Luzon.
Alas-4 ng hapon kahapon, ang bagyong Nando ay namataan ng PAGASA sa layong 310 kilometro kanluran hilagang kanluran ng Dagupan City, Pangasinan.
Taglay ng naturang bagyo ang lakas ng hangin na umaabot sa 45 kilometro bawat oras at may pagbugso na umaabot sa 60 kilometro bawat oras.
Si Nando ay kumikilos pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 24 kilometro bawat oras.
Linggo ng hapon, si Nando ay inaasahang nasa layong 810 km kanluran hilagang kanluran ng Sinait, Ilocos Sur o nasa labas na ng ating bansa.
Ang naturang sama ng panahon ay magdadala ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan sa Mindoro provinces, Pangasinan, Zambales, Bataan, Benguet, La Union at Northern Palawan.
Mahina naman hanggang sa katamtaman ang mararanasang pag-ulan sa Metro Manila, nalalabing bahagi ng Luzon at Western Visayas.
Kaugnay nito, pinayuhan ng PAGASA ang mga taga Luzon area na mag-ingat at maghanda sa posibleng flash floods at landslides sa kanilang lugar.
- Latest