Marawi ‘drug matrix’ inilabas ni Digong
MANILA, Philippines — Inilabas ni Pangulong Duterte ang bagong “drug matrix” ng mga pulitiko at mga pinaghihinalaang drug lords na diumano’y nagsilbing ‘financiers’ ng kaguluhan sa Marawi City.
“I have something for you tonight. I’ll just pass it on to ---That’s for public consumption already. ‘Yung how they operated the drug campaign in Marawi and the entire of Mindanao,” pahayag ng Pangulo sa pagharap sa Davao media sa Marina Enclaves, Davao City noong Biyernes.
Sinabi ng Pangulo na nagtrabaho ang intelligence community upang matukoy kung saan nanggagaling ang pondo ng Maute group na nanggulo sa Marawi City na hindi nauubusan ng mga pampasabog, bala at gamit.
“That is the work of the intelligence for the last three months or two when we were able to penetrate the… insides of the… the entrails of the city…There they discovered that the Maute was really preparing for a long haul. Until now, they never ran out of ordnance, explosives, ammunitions, and all,” pahayag ng Pangulo.
Kabilang umano sa matrix sina dating mayor Mohd Ali “Merikano” Abina ng Marantao town, Mayor Pangga Abinal Mulok ng bayan ng Maguing, dating mayor Fahad “Pre” Salic at si dating Marawi City mayor Solitario Omar Ali at Parojinog ng Ozamiz.
Sinabi pa ng Pangulo na ang mga natukoy na sangkot sa iligal na droga ay talagang naglalabanan para sila ang manguna sa suplay.
“But makita mong that they are really fighting over supremacy of the supply. Kasi alam mo ‘yung illegal, whether or not you want to believe it, always the driving force is greed and power, money. But to what extent was this drug used to build up the terrorist activity is something which we have really to find,” sabi ng Pangulo.
Ito umano ang dahilan kung bakit muntik ng maging narco-state ang Mindanao at Visayas samantalang nananatiling “volatile area” ang Luzon.
“That is why I said Mindanao and the Visayas almost fell into the hands of narco-state. Luzon remains a volatile area. At sinasabi ko na, na ‘yung patayan diyan, wala tayong pakialam,” anang Pangulo.
Matatandaan na inilagay ng Pangulo ang buong Mindanao sa ilalim ng martial law noong Mayo 23 dahil sa nangyaring kaguluhan sa Marawi City.
Pero noong Huwebes ay inihayag ng Pangulo na babawiin na niya ang martial law kapag natapos na ang clearing operations sa Marawi at wala ng posibilidad na kumalat sa ibang lugar sa Mindanao ang kaguluhan na dulot ng mga terorista. (May ulat ni Edith Regalado)
- Latest