PSN Bansa ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

7M empleyado tataas ang take home pay

Sa report ng Senate committee on ways and means na pinamumunuan ni Sen. Sonny Angara, hindi na bubuwisan ang unang P150,000 taunang taxable income at mana­natiling tax-free naman ang 13th month pay at iba pang bonus na nagkakahalaga ng P82,000. File

MANILA, Philippines — Inaasahang tataas ang take home pay ng mahigit sa pitong milyong manggagawang nagbabayad ng buwis sa sandaling mai­patupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) na isinusulong ng administrasyong Duterte.

Sa report ng Senate committee on ways and means na pinamumunuan ni Sen. Sonny Angara, hindi na bubuwisan ang unang P150,000 taunang taxable income at mana­natiling tax-free naman ang 13th month pay at iba pang bonus na nagkakahalaga ng P82,000. 

Ang isang manggagawa na may apat na dependent ay magkakaroon ng additional exemption ng hanggang P100,000. Gayunman, hanggang apat na dependent lamang ang sakop ng tax exemption. 

Kung pagbabasehan ang datos ng Bureau of Internal Revenue, aabot sa 99% ng 7.5 milyong individual income tax payers ang tiyak na makikinabang sa pinababang buwis sa pamamagitan ng panukalang ito. 

Tinatayang 81 percent o 6.1 milyong income taxpayers ang malilibre na sa income tax. Sa kasalukuyan, nasa 2 mil­yong minimum wage earners lamang ang libre sa buwis.  

Inihalimbawa ng senador ang isang guro na sumasahod ng P17,254 su­balit kinakaltasan naman ng 20% buwanang tax kaya malaki ang nawawala sa kanilang kita.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Sa ilalim ng pagba­bago ng sistema ng pagbubuwis, binanggit ni Angara na mawawala na ang 20% kaltas sa mga guro at iba pang katulad na manggagawa kaya mas magi­ging malaki ang buwanang takehome pay ng mga ito.

Tinukoy rin niyang ha­limbawa ang call center agent na sumasahod ng P16,136 kada buwan su­balit kinakaltasan ng 20% tax.

Sa ilalim ng tax reform, mula sa annual tax ng call center agent na umaabot ng P20,576, sinabi ni Angara na maibababa ito sa P4,557 kada taon dahil magiging 15% na lamang ang buwis na kukunin sa kanila.

Inoobliga rin ng naturang Senate committee report ang pamahalaan na magpatupad ng awtomatikong sistema ng pagbubuwis kada ikatlong taon upang hindi maapektuhan ang mga mababa ang sahod sa tuwing nagtataasan ang presyo ng mga bilihin.

Base rin sa bersyon ng Senado, ang mga marginal income earners na pa­wang self-employed na ang kinikita ay mas mababa sa 100,000 ay wala na ring babayarang buwis.

Kasama sa mga ito ang mga magsasaka, mangingisda, mga nagmamay-ari ng maliliit na sari-sari store, maliliit na karinderya, gayundin ang drivers at operators ng tig-iisang tricycle.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: