Maximum tolerance sa ‘Day of Protest’
MANILA, Philippines — Maximum tolerance ang ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) sa ikinakasang nationwide day of protest ng mga militanteng grupo sa Setyembre 21 kasabay ng paggunita sa ika-45 taong anibersaryo ng deklarasyon ng martial law sa bansa ng yumaong si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Dionardo Carlos na nakahanda na ang lahat ng security measures na ipatutupad sa anibersaryo ng martial law at minobilisa na ang Task Force Manila Shield sa pamumuno ni Manila Police District P/Chief Supt. Joel Napoleon Coronel kaugnay naman ng ikinakasang rally ng Movement Against Tyranny at multi-sectoral group sa Luneta Park sa lungsod ng Maynila sa Setyembre 21.
Nakaalerto rin ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa iba pang bahagi ng Metro Manila na nasa full alert alert status.
Wala namang namomonitor na banta sa seguridad ang PNP kaugnay ng gaganaping nationwide day of protest.
Nagpalabas na kahapon ng kautusan ang Malacañang na nagsususpinde sa pasok sa mga gov’t offices at klase sa public schools at state universities (SUCs) nationwide kaugnay ng “National Day of Protest”.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, nasa desisyon naman ng private schools at companies kung magpapatupad din sila ng suspension.
- Latest