PSN Bansa ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Makabayan bloc kumalas na sa House majority coalition

MANILA, Philippines — Tuluyan nang kumalas sa majority coalition ang pitong militanteng mambabatas sa Kamara na kilala rin bilang Makabayan bloc.

Ayon kay ACT partylist Rep. Antonio Tinio, dahil sa sunud-sunod na hakbang ng liderato ng Kamara na hindi kasang-ayon ng kanilang posisyon, mi­nabuti nilang iwanan na ang hanay ng administrasyon.

“Today, we, seven party list representatives of the Makabayan Bloc, declare our separation from the Majority Coalition in the House of Representatives to intensify our opposition to the Duterte administration that has now fully unraveled as a fascist, pro-imperialist and anti-people regime,” saad ng statement ng Ma­kabayan bloc.

Ang Makabayan bloc ay kinabibilangan nina Rep. Tinio, ACT Teachers Partylist Rep. France Castrot, Gabriela Women’s Party Reps. Emmi de Jesus at Arlene Brosas, Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, Anakpawis Rep. Ariel Casilao at Kabataan Rep. Sarah Elago.

Nakaapekto rin umano ang ilang hakbang ng Duterte administration tulad ng “war on drugs,” kung saan maraming inosente ang nadadamay at ang ginawang paghinto ng gobyerno sa pag-uusap hinggil sa isyu ng peace talks sa National Democratic Front of the Philippines (NDF).

Maging ang pagkakatanggal sa pwesto ng ilang mga kalihim na kilalang malapit sa mga militante ay nakadagdag din sa pasya ng mga ito na humiwalay ng direksyon.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Dismayado rin ang Makabayan sa gina­wang paglaslas sa pondo ng Commission on Human Rights (CHR), ang pagpapabalik sa ‘death penalty’ at ang pagtulong umano ni Pangulong Duterte na linisin ang pangalan ng pamilya Marcos.

Iginagalang naman ng Malacañang ang naging desisyon ng Makabayan bloc.

“We were hopeful that they would remain open to working together with the Administration, particularly on pro-poor, pro-people issues,” sabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella. (Butch Quejada/Joy Cantos/Rudy Andal)

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: