BBL aprubahan hirit ng MILF sa Kongreso
MANILA, Philippines - Upang matamo na umano ang minimithing pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon ng Mindanao, umapela si dating Moro Islamic Liberation Front Chief negotiator Mohagher Iqbal kay House Speaker Pantaleon Alvarez na tulungan ang liping Muslim na maaprubahan ang panukalang Bangsamoro Basic Law.
Ayon kay Iqbal, ito’y sa pamamagitan ng paglagda ni Alvarez bilang pangunahing may akda ng nasabing panukala.
Sinabi ni Iqbal na ang bersiyon ng BBL na kanilang isinumite sa Bangsamoro Transition Commission ay ang panukalang dapat na maipasa ng Kongreso.
“Any other proposed bill, like or similar or lesser than Republic Act 9054 that created the present Autonomous Region in Muslim Mindanao, is a violation of the agreements of the parties, and more seriously, will only prolong the sufferings and agonies of the people,” ani Iqbal na personal na nagtungo sa Kamara kahapon.
“On the part of the House of Representatives, we will do our part to help find peace in Mindanao,” paniniyak naman ni Alvarez.
Sa kasalukuyan, isa pa lamang bersiyon ng BBL ang naihahain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Nabatid na si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo ang nagsumite ng House Bill 6121 o ang Basic Act for the Bangsamoro Autonomous Region, bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon ng Mindanao.
- Latest