PSN Bansa ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Ama ni Kian hinamon si Bato

Binisita ni Bise Presidente Leni Robredo ang burol ni Kian Delos Santos, ang 17-anyos na pinaslang ng mga tauhan ng Caloocan City Police. OVP

MANILA, Philippines — Hinamon ng ama ni Kian Delos Santos si Philippine National Police Director General Ronald “Bato” dela Rosa na personal na bumisita sa kanilang lugar at imbestigahan sila kaugnay ng umano’y paggamit ng ilegal na droga.

Pinasinungalingan ni Saldy Delos Santos ang mga pahayag ni dela Rosa na gumagamit sila ng ilegal na droga at ginagamit ang anak na si Kian bilang drug courier.

“Hindi po, kahit po ang buong pamilya ko wala po, kahit mga kamag-anak ko, wala kayong makikita,” pahayag ni Saldy Hot Copy ng ABS-CBN News Channel.

Iginiit niyang mabait ang 17-anyos na anak na pinaslang ng mga pulis Caloocan matapos umanong manlaban, ngunit kabaligtaran ang nakita sa closed circuit television camera ng barangay.

BASAHIN: Senate majority pinaiimbestigahan ang pagkamatay ni Kian

“Mabuti pong bata ang anak ko. Naghahanapbuhay po kami ng maayos. Hindi po siya pala-barkada, wala po,” wika ng ama ng biktima.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

“Ang mga kabarangay ko po ang magpapatunay kung anong klaseng bata po iyan,” dagdag niya.

Inihayag ni dela Rosa kahapon na base sa intelligence report ng Caloocan City police na nasa drug watch list ang mag-ama, ngunit nauna nang sinabi ng mga opisyal ng barangay sa ibang panayam na wala ang mga delos Santos sa listahan nila.

“Si Kian ay ginagamit ng kanyang ama. Ang ama niya mismo ang user, mga uncle ang mga pusher diyan at ginagamit si Kian na courier. Kaya nag-surface ang pangalan niya sa area mismo,” pahayag ni Dela Rosa.

Aniya natatakot lamang ang mga kapitbahay ng mga delos Santos kaya ayaw magsalita laban sa kanila.

“Kung maari sana, pumunta siya dito sa lugar namin at siya mismo ang mag-imbestiga,” panawagan ni Saldy sa hepe ng PNP.

“Mali po yung mga paratang na iyon, ang mas maganda siya mismo pumunta saming lugar para malaman niya. Hindi iyong kung saan siya nagsasalita. Pumunta siya dito sa bahay namin, sa mga paligid namin at tanungin niya,” dagdag niya.

Handa rin ang ama na sumailalim sa drug test upang maipakitang hindi siya gumagamit ng droga.

 

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: