Bird flu umabot na sa Nueva Ecija - DA
MANILA, Philippines - Umabot na ang bird flu sa Nueva Ecija matapos kumpirmahin kahapon ng Department of Agriculture (DA) na “avian influenza virus” ang tumama sa mga bayan ng Jaen at San Isidro sa lalawigan.
Ayon kay Agriculture Sec. Manny Piñol, base ito sa serye ng laboratory test na isinagawa mula sa sample sa isang quail farm o farm ng pugo sa Jaen, at layer poultry farm sa San Isidro. Ubos na umano ang pugo sa farm na ‘yon at nag-deklara na rin ng 1-kilometer contained radius.
Sinabi ni Piñol na ang virus dito ay kahalintulad ng virus na nakita sa San Luis, Pampanga na may layo lamang na 55 kilometro sa bayan ng Jaen.
Anya, naisumite na ang specimen sa Australia at sa loob ng isang linggo ay ipalalabas ang resulta kung anung N-strain ang dumapo sa Nueva Ecija.
Sinabi naman ni Atty. Alejandro Abesamis, Nueva Ecija provincial administrator, na nag-set-up na sila ng checkpoints malapit sa 7-kilometer area ng ground zero upang ma-contain o mapigilian ang bird flu outbreak.
- Latest