60 MNLF nasabat sa checkpoint, iniimbestigahan
MANILA, Philippines - Animnapung (60) miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang nasabat ng mga awtoridad sa checkpoint na patungo sa Lanao del Sur sa magkakahiwalay na operasyon sa Zamboanga Sibugay at Zamboanga City kamakalawa.
Sa pahayag ni P/Chief Insp. Helen Galvez, spokesperson ng police regional office 9 kasalukuyang iniimbestigahan kung magre-reinforce sa Maute –ISIS sa Marawi City ang grupo ng MNLF.
Bandang alas -11 ng umaga nang maharang ng Joint Task Force ng Ipil Municipal Police Station at Army’s 102nd Infantry Brigade ang 33 MNLF members sa kahabaan ng highway sa Barangay Tiayon, bayan ng Ipil, Zamboanga Sibugay.
Ikinatwiran naman ng nasabing grupo na hindi sila patungong Marawi City kundi patungo lamang sa Camp Jabari Nur, bayan ng Madamba, Lanao del Sur.
Kabilang sa mga nasakoteng MNLF ay sina Wanhar Juanni, Nur Supian, Radzmer Gasper, Radzmer Gaspar, Habir Ukang, Nor-Amin Jaminollah Langub, Moh. Amin Abuji, Nur-Hussin Ibrahim, Baron Tahang, Mijar Kanmindus, Mohammad Sabuddin, Junibar Maddan, Adzwan Bandahala at iba pa na pawang nagmula sa Sulu.
Samantala, bago ito, nasakote naman ang 27 pang bagong recruits ng MNLF at apat na menor-de-edad sa Zamboanga City.
Isinasailalim na sa tactical interrogation ang MNLF members kaugnay ng mahigpit na seguridad na ipinatutupad ng security forces upang harangin ang posibleng reinforcement ng Maute-ISIS terrorist sa lungsod. - With trainee Engrid Genova
- Latest