2 surveillance planes ng US gagamitin sa WPS, Phl Rise
MANILA, Philippines - Higit pang mapapalakas ang intelligence monitoring ng bansa sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea at Phl Rise (Benham Rise) sa turnover ng pamahalaan ng Estados Unidos sa dalawang surveillance plane ngayong araw.
Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, ang 2 Cessna 208B Caravan Intelligence, Surveillance and Recoinnaissance (ISR) aircrafts mula sa Estados Unidos ay nagkakahalaga ng $2-M bawat isa.
Isasagawa ang turnover ceremony sa Villamor Air Base sa Pasay City bandang alas-2:30 ng hapon.
Si Lorenzana ang magsisilbing panauhing pandangal sa nasabing okasyon na dadaluhan rin nina US Ambassador Sung Kim at US Pacific Command Deputy Commander Lt Gen. Bryan Fenton. Sasaksihan ito ni Philippine Air Force (PAF) Chief Lt. Gen. Edgar Fallorina.
Sinabi ni Lorenzana na maaring magamit ang nasabing mga spy plane sa pagkuha ng mga larawan sa teritoryo na nasasaklaw ng bansa partikular na sa West Phl Sea at Philippine Rise.
Magagamit ang naturang mga surveillance planes upang mabatid kung may mga dayuhang sasakyang pandagat na pumapasok sa teritoryo ng bansa.
- Latest