Balik puwesto ni Supt. Marcos utos ni Duterte - dela Rosa
MANILA, Philippines - Ibinalik ni PNP chief Director Gen. Ronald dela Rosa sa trabaho si Supt. Marvin Marcos dahil umano sa kagustuhan ni Pangulong Duterte.
Sa pagdinig kahapon ng Senate committees on public order and dangerous drugs at justice and human rights, tinanong ni Sen. Grace Poe si dela Rosa kung sino ang nag-utos sa kanya na ibalik sa puwesto si Marcos na inilagay sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 12.
Bagaman hindi tahasang sinabi na iniutos ni Duterte, sinabi ni dela Rosa na tuwing mag-uusap sila ng Pangulo ay palagi nitong sinasabi na pagtrabahuhin na ang grupo nina Marcos na sangkot sa pagpatay kay dating Albuera, Leyte mayor Rolando Espinosa Sr. dahil nasasayang lamang ang ipinapasuweldo ng gobyerno sa mga ito.
“The President always intimated to me, whenever we talk, he said that kung pwede ng pagtrabahuhin yang mga taong yan, wala ng nagba-bar sa iyo, patrabahuhin na yan, sayang sumusweldo mga tao na yan, pera ng gobyerno, sweldo nila tapos wala silang ginagawa,” sabi ni dela Rosa.
Nauna rito, sinabi ni dela Rosa na sinanay siya na sumunod sa utos.
“I am trained to follow orders, your honor,” ani dela Rosa.
Nilinaw rin ni dela Rosa na bakante ang posisyon ng hepe ng CIDG Region 12 kaya doon niya inilagay si Marcos.
Dating nakatalaga sa CIDG Region 8 si Marcos ng masangkot ito sa pagpatay kay Espinosa.
Matatandaan na nakapaghain ng piyansa si Marcos matapos ibaba sa homicide ang kasong murder na naging dahilan para magsagawa ng imbestigasyon ang Senado.
Sa kuwestiyon ni Poe kung bakit binigyan ng parehong trabaho si Marcos sa CIDG bagaman at inilipat lamang ng lugar, sinabi ni dela Rosa na itinuturing niyang isang hamon ang pagta-trabaho ni Marcos na kung gagawa pa ulit ng kalokohan ay siya na ang mananagot.
Nilinaw din ni dela Rosa na sinabihan naman niya ang Pangulo na mainit pa ang isyu kay Marcos at kung puwede ay huwag na muna itong pagtrabahuhin, pero sa tuwing lalabas aniya sa media ang Pangulo ay sinasabing pagtrabahuhin na ang grupo ni Marcos.
Nanindigan naman ang panig ng prosekusyon na inatasan na magsampa ng kaso laban kay Marcos at iba pang sangkot sa krimen na dapat ay murder at hindi homicide ang ikinaso sa police official.
- Latest