^

Bansa

Martial Law hanggang Dis. 2017 aprub!

Gerry Auxilio - Pilipino Star Ngayon
Martial Law hanggang Dis. 2017 aprub!

Nag-thumbs up ang isang kongresista bilang “yes” vote sa ginanap na joint special session ng Senado at Kamara kahapon kaugnay ng hirit na Martial Law extension ni Pangulong Duterte. Nasa kanan sina Senate President Koko Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez habang naghihintay ng resulta ng botohan. (Miguel de Guzman)
 

MANILA, Philippines -  Sa botong 261“Yes” at 18 “No”, lumusot na sa Kongreso ang hiling ni Pangulong Duterte na palawigin ang Martial Law sa Min­danao at ang pagpapa­natili sa suspensiyon ng privilege of writ of habeas corpus hanggang katapusan ng 2017.

Sa ginawang joint special session kahapon ng Senado at Kamara, 16 senador ang sumang-ayon sa Martial Law extension habang apat ang kumontra na sina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senators Risa Hontiveros, Bam Aquino at Kiko Pa­ngilinan.

Sa panig naman ng mga kongresista, 245 ang pumabor at 14 ang tumutol sa Proclamation 216 o ang implementasyon ng batas militar sa Mindanao.

Kailangan lamang ng 158 na pinagsamang boto ng Senado at House of Representatives para maaprubahan ang ekstensiyon.

Una rito, tinangka ni Drilon na magpasok ng “amendment” o pagbabago dahil masyado umanong mahaba ang limang buwang extension para sa Martial Law sa Mindanao.

Ani Drilon, hindi kailangang umabot nang hanggang katapusan ng 2017 ang pagpapalawig sa batas militar.

Sinabi ni Drilon, batay sa news reports, hindi na aabutin ng limang buwan ang krisis sa Marawi City kaya dapat hindi na lalagpas ng 60 araw ang ibibigay ng extension.

Ayon naman kay Sen. Gringo Honasan, dapat pagbigyan na lamang ang kahilingan ng Chief Exe­cutive at hindi na amyen­dahan ang hinihinging panahon para maresolba ang problemang rebelyon sa Mindanao.

Nang nagbotohan ang mga mambabatas, natalo ang mosyong amyenda ni Drilon at nagwagi ang posisyon ni Honasan na hanggang Disyembre 31, 2017 ang ibibigay na extension sa Martial Law sa Mindanao.

Dumalo sa sesyon ang ilang miyembro ng gabinete sa pangunguna ni Exe­cutive Secretary Salvador Medialdea, PNP Chief Gen. Ronald dela Rosa, AFP Chief Gen. Eduardo Año, Defense Sec. Delfin Lorenzana, National Security Adviser Hermogenes Esperon at DOJ Sec. Vitaliano Aguirre.

Dakong alas-9 ng umaga ng simulan ang special session kung saan mayroong 21 na kongresista at pitong senador kabilang sina Senators Drilon, Hontiveros, Pangi­linan, Aquino, Joel Villanueva, Grace Poe at Richard Gordon ang nag-interpellate o nagtanong sa mga miyembro ng Gabinete kung bakit nais ng Pangulo na i-extend ang ML sa Mindanao.

Iprinisinta naman ng ehekutibo sa mga kongresista at senador si 1Lt. Kent Fagiyan na kabilang sa mga sunda­long nakikipaglaban sa Marawi at ikinuwento niya kung gaano kahirap ang kanilang laban sa Marawi City para makumbinsi ang Kongreso na i-extend ang ML sa nasabing rehiyon.

Habang iprinisinta din ni Sen. Poe ang isang bakwit  na si Amira Gutoc para ipakita na mayroong human rights violation sa kanilang lugar kaya hindi dapat na i-extend ang ML.

Una rito, magkakasunod namang nagpahayag ng pagsuporta sa Martial Law extension ang mga kongresista mula sa Mindanao partikular mula sa Maguindanao at Lanao del Sur na may sakop ng Marawi City.

Sinabi ni Rep. Bai Sandra Sema ng Maguinda­nao na suportado nila ang Martial Law para matapos na ang problema sa “violent extremism” na hindi naaayon sa aral ng Islam.

Ayon kay Sema, naniniwala silang ang Martial Law ngayon ay malayung-malayo sa idineklarang Martial Law noong 1970’s.

Kasabay nito, nagbabala rin si Sema sa publiko na mag-ingat sa mga reaksyon sa isyu at huwag magpapadala sa propaganda ng mga ISIS-Maute terror group na pag-awayin ang mga Muslim at Kristiyano.

Sinabi naman ni Maguindanao Rep. Sajig Mangudadatu, napapansin niyang karamihan sa mga kumokontra sa Martial Law sa Mindanao ay mga taga-Luzon at Visayas na mambabatas.

Kaya hinihikayat daw ni Mangudadatu ang mga mambabatas na taga-labas ng Mindanao doon sila tumira para malaman ang tunay na kalagayan sa rehiyon.

Nabulabog naman ang pagdinig ng biglang magsisigaw ang ilang kabataan buhat sa grupo ng ALCADEV (Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development) na nagsasabing itigil ang Martial Law sa Min­danao at kaagad silang ina­resto at dinala sa QCPD station 6 para sampahan ng kaukulang kaso.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with