Koko nais pabuksan ang Espinosa slay probe
MANILA, Philippines – Maraming senador ang umalma sa ibinabang kaso laban sa mga pulis na pumatay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr. kaya naman naisip ni Senate President Aquilino "Koko" Pimentel na ipabukas ang ginawa nilang imbestigasyon nitong nakaraang taon.
“Sa tingin ko the best way for the Senate to be involved is to reopen the hearing and request for copies of the counter affidavits and whatever other papers or documents that the respondents filed,” pahayag ni Pimentel sa isang ambush interview ngayong Miyerkules sa Senado.
Nais malaman ni Pimentel kung bakit ginawa na lamang homicide ng Department of Justice ang kaso laban sa mga suspek na pulis sa pangunguna ni Superintendent Marvin Marcos at 18 iba pa.
BASAHIN: Hontiveros binansagang ‘flip-flop king’ si Aguirre
“Posible kasing iba ang sinabi sa hearing at iba ang sinulat sa counter affidavits,” dagdag ng senador.
Sa ginawang imbestigasyon ng Senado ay lumabas na premeditated o planado ang pagpatay kay Espinosa at sa isa pang presong si Raul Yap nitong Nobyembre 2016 sa loob ng kanilang selda sa Baybay sub-provincial jail sa Leyte.
Dahil ginawang homicide ang kaso, pansamantalang nakalaya ang mga suspek matapos makapagbayad ng mga piyansa.
Binatikos nina Sen. Panfilo Lacson, Bam Aquino at Risa Hontiveros ang naging aksyon ng DOJ sa pangunguna ni Secretary Vitaliano Aguirre.
- Latest