Suportahan ang ML sa Mindanao-Sec. Andanar, Kamara
MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon si Presidential Communications Sec. Martin Andanar sa taumbayan na magkaisa upang labanan ang violent extremism at suportahan ang idineklarang Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao.
“The declaration of Martial Law is a war against violent extremism; a war that every sovereign, peace-loving country of the world is likewise waging. It is every Filipino’s patriotic duty to support all efforts to preserve the unity, integrity and safety of our country…,” wika pa ni Sec. Andanar.
Binigyang-diin ni Andanar na ang tunay na adhikain ni Pangulong Duterte sa pagdedeklara ng Mindanao Martial Law sa Mindano ay upang isalba ang bayan mula sa terorismong inihahasik ng Maute group at ISIS.
Samantala, nanawagan din sa publiko ang mga taga-oposisyon sa Kamara na suportahan ang naging hakbangin ni Pangulong Duterte na isailalim sa Batas Militar ang Mindanao.
Sinabi nina Buhay partylist Lito Atienza at Kabayan Rep. Harry Roque na dapat pagtiwalaan ng taumbayan ang pangulo sa naging hakbang niya.
Paliwanag pa nina Atienza at Roque na tanging ang pangulo ang may hawak ng kumpletong intelligence data bilang commander-in-chief kaya hindi dapat pagdudahan ang kanyang intensyon.
Maging si Ifugao Rep. Teddy Baguilat na miyembro ng independent minority at Liberal Party (LP) member ay umapela rin sa publiko na suportahan ang gobyerno sa kampanya nito para durugin ang terorismo.
- Latest