Libreng tuition sa SUCs bubusisiin ngayon
MANILA, Philippines - Magsasagawa ng meeting ngayong araw ang bicameral conference committee ng Senado at Kamara upang pag-isahin ang kani-kanilang bersiyon ng panukalang magbibigay ng libreng tuition fee sa state colleges and universities (SUCs).
Ayon kay Senator Bam Aquino, nagsusulong ng panukala, inaasahan niyang mapapabilis ang pagsasabatas ng libreng tuition fee sa mga SUCs upang makatulong sa mga mahihirap na estudyante.
“We hope to finalize a version that will fulfill the intention of the measure to provide underprivileged students a chance to finish college and give them a better chance for a brighter future,” ani Aquino.
Kapag nabuo at naaprubahan ng bicameral conference ang pinal na bersiyon, ito’y raratipikahan ng dalawang sangay ng Kongreso bago ipadala sa Palasyo para sa pirma ni Pangulong Duterte.
Layunin rin nito na mapalakas ang lahat ng Student Financial Assistance Programs (StuFAP) para sa mga estudyante na nais magtuloy ng kolehiyo sa pribadong unibersidad at matustusan ang iba pang gastos ng mga estudyante sa SUCs.
- Latest