PSN Bansa ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Leni hindi nababahala

Vice President Leni Robredo.

‘Robredo mas madaling ma-impeach’-Pimentel

MANILA, Philippines - Hindi nababahala ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa banta ng impeachment laban sa kanya ng mga kaalyado ng administrasyon.

Sa isang panayam kahapon, sinabi ng tagapagsalita ni Robredo na si Georgina Hernandez na walang bago sa mga alegasyong ibinibintang laban sa Bise Presidente.

“Hindi kami natatakot dahil nakakatiyak kami na nasa aming panig ang katotohanan. Walang bago sa pagbabanta ni Speaker (Pantaleon) Alvarez sa mga kritiko ng pamahalaan,” diin ni Hernandez.

Sinabi pa ni Hernandez na mas makatotohanan ang mga pagsisikap na mapatalsik si Robredo kaysa destabilization plot laban kay Duterte.

“Araw-araw, nagi­ging mas matindi ang mga akusasyon na ibinabato laban kay VP Leni at napakalaki. Sa palagay ko, si VP Leni ang nahaharap sa destabilization plot,” dagdag niya.

Sinisi rin ni Hernandez si Alvarez sa itinuring nilang “walang basehan at ires­ponsableng” banta ng impeachment laban sa panga­lawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

“Sa aming pagkakaunawa, wala talagang basehan ang kanyang mga pananakot. Napakairesponsable na magbitaw siya ng mga ganitong salita gayong wala namang sapat na basehan,” sabi ng tagapagsalita ni Robredo na si Georgina Hernandez sa panayam ng radio station DZMM.

“Natatakot din sila na kung may magsasalitang hindi nila nagugustuhan ay pilit nilang pinatatahimik. Hindi naman po yata iyun tama,” dagdag niya.

Sa isang panayam kamakailan, sinabi ni Alvarez na maaaring mapatalsik sa puwesto si Robredo dahil sa umano’y pagtaksil sa tiwala ng publiko nang magpadala ito ng isang video message sa  United Nations Commission on Narcotic Drugs na rito ay binatikos niya ang giyera ng pamahalaan laban sa droga.

Samantala, naniniwala si Senate President Aqui­lino Pimentel lll na mas mada­ling ma-impeach si Robredo kumpara kay Pa­ngulong Rodrigo Duterte dahil may bilang daw ang administrasyon para patalsikin ang Bise Presidente.

“Malaki ang tsansa kapag ginamit ang imagination sa political, kung si Speaker Alvarez ang magli-lead ng impeachment laban kay Robredo, ilan ang followers niyan? Two hundred thirty. So 100 ang kailangan doon na suportahan siya doon, so lulusot iyon,”  wika ni Sen. Pimentel.

 Inihayag kasi ni Alvarez na sasampahan niya ang Bise Presidente matapos na ilabas nito sa labas ng bansa ang sinasabing paglabag sa karapatang-pantao ni Duterte sa paglaban nito sa droga.

Iginiit pa ni Pimentel na propaganda lamang ang habol ng Magdalo group dahil batid naman nitong hindi makakapasa sa Kongreso ang anumang impeachment laban kay Pangulong Duterte.

Itinanggi na ito ni Magdalo Rep. Gary Alejano at nagbabala pa ito na hindi dapat magseguro ang administrasyon. Aniya, ngayon pa lamang ay may mga kongresista ng nagpahayag ng interes sa kanilang isinampang kaso.

Sinabi pa ni Alejano, na wala ding kinalaman si Robredo dahil silang mga Magdalo ang may gawa nito, katulad ni Senator Antono Trillanes 1V.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: