LGUs, DepEd may Unified program na
Tagum City, Davao del Norte, Philippines – Magkakaroon na ng unified program sa Talent Identification Testing ang Local Government Units (LGUs) at Department of Education para sa ikabubuti ng mga batang atleta ng bansa.
Ito ang pahayag ni Giovanni Gulanes, ang provincial sports director ng Davao del Norte at Ricardo Olmedo ng DepEd-Davao na parehong nagsabi na kailangan nang magkasundo ang education department at LGUs na magkaroon ng common method dahil dito manggagaling ang mga future Olympians ng bansa.
Sina Olmedo at Gulanes ay naniniwala sa ginawang Sports Mapping Action Research Talent Identification (SMART ID) ng Philippine Sports Institute na binuksan kahapon ang Train the Trainers Program dito sa Rodolfo del Rosario gym ng Davao del Norte Sports and Tourism Complex.
“Magkaiba kasi kami ng program. Iba ang sinusunod ng DepEd at iba naman sa amin sa mga LGUs. Kaya kung ta-lento na ang pag-uusapan, minsan ‘yung promising athletes namin kaiba sa kanila. Kaya panahon na talaga na magkaroon ng unified program in discovering new talents,” sabi ni Gulanes.
Para naman kay Olmedo, importante ang isinagawang SMART ID ng PSI dahil ang kanilang itinuturo ay ang universal method na sinusunod din ng ibang well-developed na bansa kagaya ng Malaysia at Indonesia.
- Latest